Biyernes, Pebrero 20, 2015

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALAWANG ISTASYON

ANG IKALAWANG ISTASYON: 
Ang Panalangin at Paghihirap ni Hesus sa Halamanan ng Getsemani 
(Mateo 26, 36-46/Marcos 14, 32-42/Lucas 22, 39-45)


Sa Halamanan ng Getsemani, mag-isang nanalangin si Hesus. Ito siguro ang pinakamadramang sandali sa buhay ni Hesus. Ilang oras bago Siya dakipin ng mga autoridad, mag-isang nananalangin at nagdurusa si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Nagdusa na si Hesus noong Siya'y nananalangin sa Halamanan. Subalit, kahit isinama Niya sina Pedro, Santiago, at Juan, walang karamay si Hesus sa Kanyang paghihirap sa Hardin. 

Takot at pagkabigo ang naramdaman ni Hesus sa Kanyang panalangin sa Hardin ng Getsemani. Isang napakahirap na desisyon ang kinailangang gawin ng Panginoong Hesus noong Siya'y nanalangin sa Ama. Ang Anak ay nagdurusa sa Halamanan. Natatakot ang Anak dahil sa sakit na dadanasin at sasapitin Niya. Saan tumungo ang Panginoon sa Kanyang takot? Sa Ama. Nanalangin ang Panginoong Hesukristo sa Ama upang Siya'y magkaroon ng lakas na gawin ang dapat Niyang gawin. 

Maaari ring takasan ni Hesus ang Kanyang misyon. Kung nais sana ni Hesus, maaari Niyang idalangin sa Ama na sagipin Siya mula sa Kanyang kamatayan. Kaya sanang gamitin ni Kristo ang Kanyang kalayaan bilang Anak ng Diyos na manalangin sa Ama na huwag na Siyang pahirapan. Ang kaligtasan Niya mula sa kamatayan sa Krus ay maaari ring idalangin sana ni Hesus upang hindi na Niya danasin ang kamatayan. 

Subalit, ang pag-ibig ni Hesus para sa Ama at sa ating lahat ang umudyok sa Kanya na sundin ang kalooban ng Ama. Ang panalangin ni Hesus sa Halamanan, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Pinili ni Hesus na harapin ang Kanyang kamatayan sa Kalbaryo, kahit gaano mang kasakit. Sapagkat ito ang kalooban ng Ama at ito ay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. 

Napakalalim at napakadakila ang pag-ibig ng Panginoon sa atin. Walang makahihigit sa pag-ibig ng Panginoon. Kahit napakasakit para sa Panginoon ang mamatay alang-alang sa atin, pinili pa rin Niyang gawin ito. Pinatunayan ni Hesus ang Kanyang pag-ibig sa ating lahat dahil sa pagsunod Niya sa kalooban ng Ama.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento