ANG UNANG ISTASYON: Ang Huling Hapunan
(Mateo 26,26-29/Marcos 14, 22-25/Lucas 22, 14-20)
Noong bisperas ng Kanyang pagpapasakit, alam ni Hesus na dumako na Siya sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Batid ni Hesus na malapit nang matapos ang Kanyang misyon dito sa lupa. Alam ni Hesus na sa gabi ring iyon, dadakipin Siya ng mga autoridad at parurusahan ng kamatayan. Sa mga madaling salita, may taning na ang buhay ni Hesus. Hindi magtatagal, at papatayin si Hesus sa krus sa Kalbaryo.
Kaya, sa huling gabing makakasama Niya ang Kanyang mga alagad, ipinagdiriwang ni Hesus ang Hapunang Pampaskuwa. Ginugunita tuwing Paskuwa ng mga Hudyo ang kanilang pagtawid mula sa kaalipinan sa Ehipto patungo sa kalayaan. Ngayon naman, ginugunita ng Panginoong Hesus at ng Kanyang mga alagad ang isang bagong pagtawid. Magkakaroon ng bagong kalayaan kinabukasan. Mula sa pagiging alipin ng kasalanan, ang sangkatauha'y tatawid tungo sa kalayaan dulot ng Diyos. Ito'y makakamtan ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang buhay sa krus sa Kalbaryo.
Sa Huling Hapunan, itinatag ni Hesus ang Sakramento ng Eukaristiya. Iniutos ng Panginoong Hesus sa mga alagad na sa tuwing magsasalu-salo sila ay alalahanin Siya. Sa Banal na Misa, inaalala natin ang sakripisyo ni Hesus sa Kalbaryo. Ang katawan ni Hesus ay inihandog sa Krus at ang Kanyang dugo ay dumaloy mula sa Kanyang kabanal-banalang Puso.
Ang pag-ibig ni Kristo ay ginugunita natin sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ang unang Banal na Misa ay ipinagdiriwang ni Kristo kasama ang Kanyang mga alagad. Patuloy nating ipinagdiriwang ang Banal na Misa magpahanggang ngayon dahil inaalala natin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento