ANG IKALABING-ISANG ISTASYON:
Sina Maria at Juan sa paanan ng krus ni Hesus
(Juan 19, 25-27)
Kahit nagdurusa si Hesus, hindi ito naging hadlang para kay Maria na damayan si Hesus sa Kanyang pagdurusa. Hindi natakot ang Mahal na Birheng Maria sa posibleng pagdakip sa kanya. Buong katapangan at katapatan nakiisa at sumunod ang Mahal na Birheng Maria sa mga yapak ng Panginoong Hesukristo mula mga kalsada ng Jerusalem patungong Kalbaryo.
Hindi naging hadlang ang mga kawal para sa Mahal na Ina na damayan at makiisa sa paghihirap at pagdurusa ng Panginoon. Kung ang mga alagad (maliban kay San Juan) ay natakot na madakip ng mga kawal at iniwanan ang Panginoong Hesus, hindi natakot ang Mahal na Inang Maria. Walang makapag-hadlang sa Mahal na Inang Maria sa pagsunod sa Panginoong Hesus.
Mahal na mahal din ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria. Mahal na mahal din Niya ang Kanyang mga tagasunod. Kaya, inihabilin ni Hesus si Maria kay San Juan na kumakatawan sa ating lahat upang maging Ina at huwaran nating lahat. Ang Mahal na Birheng Maria ay ang ating Ina, at bilang ating Ina ay isang huwaran para sa ating lahat. Si Maria ay huwaran ng katapangan at tunay na pagmamahal, katulad ni Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento