Biyernes, Pebrero 20, 2015

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALIMANG ISTASYON

ANG IKALIMANG ISTASYON: Ang Pagpasan ng Krus 



Buong pusong tinanggap ni Hesus ang mabigat na krus na papasanin Niya mula sa palasyo ni Poncio Pilato patungong Kalbaryo. Kahit napakabigat para kay Hesus ang krus na ito, tinanggap pa rin Niya ito ng buong pagpapakumbaba at pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa halip na takasan ang krus, pinili ni Hesus na pasanin ito patungong Kalbaryo. Sapagkat sa pamamagitan nito ay ililigtas Niya ang buong sangkatauhan. Sa krus na iyon, ihahain ni Hesus ang Kanyang buhay alang-alang sa kaligtasan ng buong sangkatauhan.

Sa pelikulang The Passion of the Christ, nang tinanggap at niyakap ni Kristo ang Kanyang krus, malakas na sumigaw si Hestas, "Tanga, bakit mo niyayakap ang iyong krus?!" Para kay Hestas, isang tanda ng kahinaan ang pagtanggap sa krus. Para sa Mesiyas, hindi Siya dapat nagpapasan ng krus. Subalit, ang kahoy na krus ay niyakap, tinanggap at pinasan ng Mesiyas, ang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan. 

Bakit ganun? Bakit hindi na lang iniligtas ni Kristo ang sangkatauhan sa ibang paraan? Hindi ba Siya ang Anak ng Diyos? Kaya Niya sanang gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Anak ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan nang hindi nasasaktan at nagdurusa. 

Subalit, pinili ng Panginoong Hesus na yakapin ang krus. Pinili ng Panginoong Hesukristo na magdusa at mamatay dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Nais ipadama ni Hesus ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin. Ang pag-ibig ni Hesus ay ang pag-ibig na handang mag-alay ng buhay para sa mga minamahal. Ipinamalas ni Hesus sa pammagitan ng pagtanggap at pagpasan ng krus na tunay ang Kanyang pagmamahal sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento