Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birheng Maria at Amain ng Panginoong Hesukristo (ABK)
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)
Walang salitang namutawi si San Jose sa mga Ebanghelyo, lalung-lalo na sa Ebanghelyo ni San Mateo. Madalas nating matagpuan si San Jose sa Ebanghelyo ni San Mateo na natutulog bago magpakita ang anghel ng Panginoon sa kanya. Ang unang pagkakataon ay noong malaman ni San Jose na ang Mahal na Birheng Maria ay nagdadalantao, kahit hindi pa sila kasal at ang pangalawang pagkakataon ay bago siya tumakas kasama ang Mahal na Birheng Maria at ang Sanggol na Hesus patungong Ehipto dahil sa plano ni Haring Herodes na ipagpaslang ang Sanggol na Hesus (Mateo 2, 13-15).
Bilang tao, kinakailangan din nating magpahinga. Ang pagpapahinga ay napakaimportante para sa atin. Kung hindi tayo nagpapahinga, hindi tayo lalakas. Bagkus, tayo ay hihina at hihina. Magkakaroon tayo ng panibagong lakas pagkatapos ng ating pagpapahinga.
Isang karpintero si San Jose. Napakahirap ang trabaho ng isang karpintero. Subalit, masipag at matiyaga si San Jose sa kanyang hanapbuhay. Kapag may problema o napapagod si San Jose, madalas nating nakikita siyang nagpapahinga, katulad ng natunghayan natin sa Ebanghelyo natin ngayon. Bago tinawag ng Diyos si San Jose sa pamamagitan ng Kanyang anghel sa panaginip, nagpahinga si San Jose. Maraming mga gawain at problema ang hinarap ni San Jose, kaya nagpahinga siya upang magkaroon ng lakas para sa kinabukasan.
Kakaiba ang tugon ni San Jose sa sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon noong siya'y nagpapahinga. Walang salitang namutawi mula sa labi ni San Jose. Bagkus, tahimik na sumunod at ginawa ni San Jose ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos na ipinamalita sa kanya ng anghel sa panaginip. Kinabukasan, tinanggap ni San Jose ang pananagutan bilang kabiyak ng Mahal na Birheng Maria at amain ng Panginoong Hesukristo dito sa lupa.
Anuman ang ating propesyon sa buhay, tinatawag tayo ng Diyos na pagsilbihan Siya bilang mga manggagawa Niya, katulad ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Si San Jose ay isang manggagawa ng Diyos dahil may responsibilidad siya bilang isang karpintero, bilang kabiyak ng Mahal na Birhen, at bilang amain ni Kristo dito sa lupa. Pinagbutihan ni San Jose ang kanyang trabaho bilang isang karpintero para sa ikabubuhay niya, ng Mahal na Ina, at ng Panginoon.
Laging nakahanda si San Jose na paglingkuran ang Diyos. Tahimik na sumunod at pinaglingkuran ni San Jose ang Diyos bilang manggagawa Niya. Ang responsibilidad ni San Jose sa Diyos ay maging kabiyak ng Mahal na Birheng Maria at amain ng Panginoong Hesus dito sa lupa bago Niya simulan ang Kanyang pangangaral. Kahit gaano mang kahirap ang pananagutang ito, tahimik na tinanggap at tumalima si San Jose sa kalooban ng Diyos.
Tayong lahat ay tinatawag ng Diyos na paglingkuran Siya. Kahit gaano kataas o kababa ang ating posisyon sa buhay, lalo na sa ating trabaho, tinatawag tayo ng Diyos na maglingkod sa Kanya. Isa sa napakaraming mga huwaran ng mga simpleng taong tinawag ng Diyos upang paglingkuran Siya ay si San Jose. Kung paanong tinanggap at sumunod si San Jose sa kalooban ng Diyos, dapat din nating sumunod sa Diyos katulad ni San Jose.
Panginoon, tulungan Mo kaming tumalima at sumunod sa Iyong kalooban, katulad ni San Jose. Amen.
Inang Maria, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
AWIT SA PAGNINILAY - "Pagsamo kay San Jose"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento