Sabado, Marso 28, 2015

PAGLILINGKOD AT PAGMAMAHAL: TUNAY NA MENSAHE NG MAHAL NA ARAW

Marso 30, 2015 
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 


Natunghayan natin sa ating Ebanghelyo kung paanong binuhusan ng pabango ni Santa Maria, ang kapatid nina Santa Marta at ni San Lazaro, ang mga paa ng Panginoong Hesus. Pinaglingkuran ni Maria si Hesus sa pamamagitan ng pagbuhos ng mamahaling pabango sa Kanyang mga paa. Ginawa ito ni Maria para ipakita kay Hesus ang kanyang pagmamahal at pasasalamat sa Panginoon. 

Ang pabangong ibinuhos ni Santa Maria sa mga paa ng Panginoong Hesukristo ay napakamahal. Mga negosyante lamang ang makakabili ng ganung pabango. Ibinuhos sa mga paa ni Hesus ang isa sa mga pinakamamahaling pabango noong kapanahunang iyon. Siguro, naamoy ng lahat ng naroroon sa bahay nina San Lazaro ang pabangong ibinuhos sa paa ni Hesus. 

Ipinakita ni Maria ang kanyang pagmamahal at paglilingkod kay Hesus. Nagbili si Maria ng mamahaling pabango at ibinuhos niya ito sa mga paa ni Hesus. Sa pamamagitan nito, ipinapakita ni Maria ang kanyang pagmamahal kay Hesus. Ang ginawa ni Maria para kay Hesus ang tanda ng kanyang pagmamahal at pasasalamat kay Hesus. 

Sa Pilipinas, marami tayong mga kostumbre tuwing Mahal na Araw. Idinadaos natin ang Pabasa ng Pasyong Mahal. Karamihan sa atin, dinadasal ang Via Crucis o ang Daan ng Krus. Isinasagawa din natin ang Visita Iglesia, lalung-lalo na sa gabi ng Huwebes Santo. Marami pa nga sa atin, naglalakbay tayo papunta sa Quiapo, Antipolo, Manaoag, atbp. 

Pero, madalas nakakalimutan natin ang tunay na dahilan ng pagsasagawa ng mga tradisyong ito. Nakakalimutan din natin ang kahalagahan at ang tunay na diwa ng mga pagdiriwang na isinasagawa sa mga Mahal na Araw. Sa panahon ngayon, ang mga Mahal na Araw ay nagiging panahon ng pagbabakasyon o paglalakwatsya. Iniisip din natin madalas na mga tradisyon lamang ang paggunita at ang mga pagdiriwang sa mga Mahal na Araw. 

Bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang mga Mahal na Araw? Dahil ginugunita natin sa sanlinggong ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Binibigyang-diin ng Simbahan sa mga Mahal na Araw ang dakilang pagmamahal ng Diyos na ipinamalas Niya noong si Hesus ay ipinako sa krus. Iyan ang tunay na diwa at ang kahalagahan ng mga Mahal na Araw. Iyan ang tunay na mensahe ng Mahal na Araw. Paglilingkod at pagmamahal. 

Sa pagpapatuloy ng ating paggunita sa mga Mahal na Araw, atin pong alalahanin ang dakilang sakripisyo ng Diyos sa Kalbaryo. Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Kaya, dapat din nating paglingkuran at mahalin ang ating kapwa-tao. Ayon nga kay San Juan Apostol, "Tayo ay nagmamahal sapagkat Siya ang unang nagmahal sa atin." (1 Juan 4, 19) 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento