Marso 31, 2015
Martes Santo
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38
Alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Alam Niya na dalawa sa Kanyang mga alagad ang may malaking papel sa salaysay ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Ipagkakanulo si Hesus ni Hudas Iskariote. Tatlong beses namang ipagkakaila ni San Pedro Apostol na kilala niya ang Panginoong Hesus. Masakit man isipin iyon, alam ni Hesus na mangyayari ang mga iyon.
Subalit, magkaiba ang nangyari kina San Pedro Apostol at Hudas Iskariote pagkatapos gampanan ang kanilang papel sa Mahal na Pasyon ng Panginoon. Nagsisi silang dalawa pagkatapos magawa nila ang kanilang pagtalikod sa Panginoon. Nanghinayang sila na hindi nila naipagtanggol si Kristo. Pero, magkaiba ang ginawa nila.
Nagpakamatay si Hudas Iskariote dahil para sa kanya, wala nang pag-asa. Hindi siya nanalig sa pag-asa ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Para sa kanya, huli na ang lahat. Hindi na siya makakapagsisi sa kasamaang ginawa niya sa Panginoon. Kaya, nagbigti si Hudas Iskariote.
Iba naman ang ginawa ni San Pedro Apostol pagkatapos niyang ipagkaila nang tatlong ulit ang Panginoong Hesus. Nanangis siya, katulad ni Hudas Iskariote. Pero, sa halip na magpakamatay, si San Pedro Apostol ay nananalangin sa Diyos upang patawarin siya. Nananalig siya na muling mabubuhay ang Panginoon. Hindi pa man naintindihan ni San Pedro Apostol ang mga nangyayari, nananalig siya sa pangako ng Panginoon na Siya'y muling mabubuhay.
Katulad ni Hudas Iskariote at ni San Pedro Apostol, may mga kahinaan din tayo. Alam din iyon ng ating Panginoon. Bilang tao, may mga kahinaan tayo. Subalit, ano ang gagawin natin kapag tayo ay nagkasala laban sa Diyos at kapwa-tao? Nawa'y humingi tayo ng kapatawaran sa ating Panginoon at sa ating kapwa-tao. Walang makakahadlang o makahihigit sa awa at grasya ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento