Mayo 31, 2015
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (B)
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40/Salmo 32/Roma 8, 14-17/Mateo 28, 16-20
Bilang mga Katoliko, tayong lahat ay sumasampalataya at sumasamba sa iisang Diyos. Subalit, sa iisang Diyos na iyon, Tatlong Persona ang bumubuo nito - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Bagamat ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay magkakakiba, iisa lamang ang Kanilang ugnayan at anyo - silang tatlo ay iisang Diyos. Binubuo ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu ang iisang Diyos na ating sinasampalatayanan at sinasamba. Kaya nga, kapag dinadasal natin ang Credo, sinasabi natin na tayo ay sumasampalataya sa Diyos Ama, sa Diyos Anak na ating Panginoong Hesukristo, at sa Diyos Espiritu Santo.
Isa sa mga Misteryo ng Simbahan ang Misteryo ng Banal na Santatlo. Ang Misteryo ng Banal na Santatlo ang pinakaimportanteng Misteryo sa ating pananampalatayang Katoliko. Mahirap unawain ang Misteryo ng Banal na Santatlo kung gagamitin natin ang agham upang ipaliwanag ang mga Banal na Misteryo ng Simbahan, katulad lamang ng Misteryo ng Banal na Santatlo. Kung rason ang gagamitin natin, hindi natin mauunawaan ang Misteryo ng Banal na Santatlo.
Subalit, nagpapakilala ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga Misteryo. Dahil sa Kanyang dakilang kapangyarihan, ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga Misteryo. Katulad lamang sa Misteryo ng Banal na Santatlo. Paano ba ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa Misteryong ito? Ipinapakilala ng Diyos na Siya ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Bagamat magkaiba ang Tatlong Persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, iisa lamang ang kanilang ugnayan at likas - Silang tatlo ay iisang Diyos.
Sa Ebanghelyo, noong isinugo ni Hesus ang mga alagad na gawing alagad Niya ang lahat ng mga bansa, iniutos Niyang binyagan ng mga alagad ang lahat ng mga bansa sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, hindi Sa mga Pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Ipinakilala ni Hesus na may Tatlong Persona sa Isang Diyos. Siya na mismo ang nagsabi nito sa wakas ng Ebanghelyo ni San Mateo. Sa iisang Diyos, may Tatlong Persona - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Bagamat magkaiba sila, iisa ang kanilang ugnayan - Silang tatlo ang bumubuo sa iisang Diyos na ating sinasampalatayanan at sinasamba. Magkaiba man ang Tatlong Persona sa Isang Diyos, iisa pa rin Sila.
May makikita tayong pagkakaisa sa Banal na Santatlo. Ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo ay tunay. Hindi matitinag o masisira ang kanilang pagkakaisa. Bagkus, ang Banal na Santatlo ay nananatili. Silang Tatlo ay nanatiling iisa. Kahit noong si Hesus ay nagkatawang-tao at namuhay sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan, nanatili pa rin ang ugnayan at pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Kahit anumang gawin ng mga kalaban, lalung-lalo na ng demonyo, mananatili pa ring iisa ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.
Sa Ebanghelyo ni San Juan, ilang ulit nangaral si Hesus tungkol sa Banal na Trinidad. Noong nangangaral Siya sa mga Hudyo sa ikawalong kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, sinabi ni Hesus, "Bago ipinanganak si Abraham, 'Ako'y Ako Na'." (Juan 8, 58) Ibig nilang batuhin si Hesus dahil alam nila kung ano ang ibig sabihin ni Hesus noong sabihin Niyang, 'Ako'y Ako Na'. Alam nilang sinasabi ni Hesus na Siya ang Diyos.
Nagsalita rin si Hesus tungkol sa Kanyang pagkakaisa sa Ama. Sa ika-10 kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, noong ipinagdiriwang ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo, sinabi ni Hesus noong tinanong Siya ng mga tao kung Siya nga ang Kristo, "Ako at ang Ama ay iisa." (Juan 10, 30) Muling kumuha ng mga bato ang mga tao dahil sinabi ni Hesus na Siya at ang Ama ay iisa. Alam ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Hesus - Siya ay Diyos.
At pang-huli, nagsalita rin si Hesus tungkol sa pagka-Diyos ng Espiritu Santo. Sa pamamaalam ni Hesus sa mga alagad mula sa ika-14 na kabanata hanggang sa ika-16 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, ginamit ni Hesus ang salitang Parakleto para ituro sa mga alagad kung sino ang Espiritu Santo. Hindi lamang isang puwersa ang Espiritu Santo. Diyos din ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay kapantay ng Diyos Ama at Diyos Anak. Katulad ng Ama at ng Anak, ang Espiritu Santo ay Diyos.
Tunay ang ugnayan at pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Walang makakapantay sa ugnayan at pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Hindi matitinag ang Banal na Santatlo. Bagkus, mananatili Silang iisa magpakailanman. Sa Banal na Santatlo, makikita natin ang tunay na mapagkailanman. Ang tunay na magpakailanman ay hindi matatagpuan dito sa mundo. Matatagpuan lamang natin ang tunay na magpakailanman sa langit, sa Banal na Santatlo. Ang Banal na Santatlo ay iisa, bago pa ang paglikha sa mga nakikita at di-nakikita.
O Dakilang Santissima Trinidad, akayin Mo kami sa daan patungo sa tunay na pagkakaisa at magpakailanman. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento