Linggo, Mayo 17, 2015

MAGING MGA SAKSI NG PANGINOON; MAGPATOTOO TUNGKOL SA KANYA

Mayo 17, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (B) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23 (Alternatibong Pagbasa: Efeso 4, 1-13 o kaya: 4, 1-7. 11-13)/Marcos 16, 15-20 



Sa tuwing may insidenteng nangyari o kaya sa mga kaso sa korte, may mga taong nakakakita sa nangyari. Alam nila kung ano ang karanasan nila. Mas alam nila ang nangyari kaysa sa ibang tao na nakakaalam sa bagay na iyon kung ibinalita lamang ito sa kanila. Ang tawag sa mga taong nakakita at nakaranas sa isang bagay ay mga saksi. Nagpapatotoo ang mga saksi tungkol sa mga nangyari, mabuti man o masama. Katunayan, mas mapagkakatiwalaan ang mga patotoo ng mga saksi kaysa sa mga tsismis na ipinagkakalat. 

Hinirang ni Hesus ang mga alagad upang maging mga saksi Niya. Ang mga alagad ang magpapatotoo tungkol kay Hesus sa Kanyang pag-alis sa mundong ito. Alam ni Hesus na balang araw ay babalik Siya sa langit. Subalit, dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa sanlibutan, nais Niyang makilala Siya ng mga nasa sanlibutan bilang kanilang Tagapagligtas. Kaya, hinirang at sinugo ni Hesus ang mga alagad na maging Kanyang mga saksi at misyonero. Sila na ang magpapatotoo tungkol sa pag-ibig, awa at malasakit ng Panginoong Hesus. 

Bagamat may konting pagkakaiba ang salaysay ng Unang Pagbasa at ng Ebanghelyo patungkol sa Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, iisa ang tema nito - sinusugo ng Panginoong Hesukristo ang mga alagad na maging mga saksi at misyonerong nagpapatotoo tungkol sa Kanya at Siya'y iniakyat sa kalangitan. Dito magsisimula ang misyon ng mga alagad. Ngayong umalis na si Hesus sa mundong ito, ipagpapatuloy ng mga alagad ang sinimulan ni Hesus. 

Para sa mga alagad, hindi magiging madali ang misyong ito. Alam nila na sila'y mahihina. Noong ang Panginoong Hesus ay dinakip ng mga kawal sa Halamanan ng Getsemani, hindi nila naipagtanggol ang Panginoon. Kahit matigas nilang sinabi sa Panginoon na ipagtatanggol nila Siya, hindi nangyari iyon, at alam din iyon ng Panginoon. Subalit, dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa kanila at sa buong sanlibutan, pinili Niya ang mga alagad Niya upang sumaksi at magpatotoo tungkol sa Kanya sa bawat sulok ng daigdig. 

Ang Labing-Isang Alagad ni Kristo ay hinirang para sa kakaibang misyon. Napakalaki ang misyong ito. Alam nila na magiging mahirap ang misyong ibinigay sa kanila ni Kristo ngayong wala na ang pisikal na presensya ni Kristo dito sa lupa. Subalit, mula sa langit, kasama pa rin sila ni Kristo. Tinutulungan pa rin ng Panginoon ang mga alagad sa kanilang misyon sa pagsaksi sa Kanya, kahit wala na Siya dito sa lupa. 

Hindi lamang para sa mga alagad, sa mga kaparian, o sa mga relihiyoso ang pagsaksi kay Hesus. Tayo rin ay hinihirang ni Hesus na sumaksi sa Kanya. Pinipili, tinatawag at hinihirang tayo ni Hesus na maging mga misyonerong sumasaksi sa Kanya. Ang pag-ibig ng Panginoong Hesus ang dahilan kaya tayong lahat ay pinili na sumaksi sa Kanya, lalung-lalo na sa makabagong panahon. 

Kahit hindi natin nakita ang Panginoong Hesus sa Kanyang pisikal na anyo, Siya'y kasama pa rin natin sa langit. Tinutulungan at sinasamahan tayo ni Kristo, kahit hindi nakita ng ating mga mata ang pisikal na anyo ni Kristo. Mula sa langit, tayong lahat ay tinutulungan at ginagabayan ng Panginoon sa bawat araw ng ating buhay. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Panginoon. 

Paano tayo magiging saksi ng Panginoon sa mga simpleng paraan? Magmahal ng kapwa, magkawanggawa at marami pang iba. Ipadama natin ang pag-ibig ng Panginoon sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha. Sa pagpapadama at pagbabahagi ng pag-ibig ng Diyos sa kapwa-tao, doon natin naipapalaganap ang pag-ibig, habag at malasakit ng Panginoong Diyos. Sapagkat ang Diyos ang Diyos ng pag-ibig, habag at malasakit. 

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging mga magigiting na misyonerong sumasaksi sa Iyo at sa Iyong pag-ibig. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento