14 Mayo 2017
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 6, 1-7/Salmo 32/1 Pedro 2, 4-9/Juan 14, 1-12
Ang bukal ng pag-asa ay ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Si Hesus ay nagbigay ng bagong pag-asa sa pamamagitan ng Kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay. Ang lahat ng tao'y nagkaroon ng bagong pag-asa sa pamamagitan ni Kristong Muling Nabuhay. Ang pag-asang kaloob ng Panginoong Muling Nabuhay ay tunay. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nagbibigay ng pag-asa sa lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong puso't kaluluwa.
Isang napakahalagang biyaya para sa ating lahat ang biyaya ng pag-asa. Ang pag-asa ay nagbibigay ng lakas ng loob sa bawat isa sa panahon ng pagsubok. Ang mga kagipitan ay matitiis natin nang buong katatagan ng loob dahil sa pag-asang bigay ng Panginoong Muling Nabuhay sa ating lahat. Magkakaroon ng kapanatagan ang ating mga kalooban sa mga oras ng kagipitan dahil sa pag-asang kaloob ni Hesus sa ating lahat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay.
Inilarawan ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa kung paanong ang Diyos ay nagbigay ng pag-asa sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Bawat isa'y pinili't tinawag ng Diyos upang maging Kanya. Tinawag Niya ang lahat mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan. Ang lahat ng tao'y hindi na namumuhay sa kadiliman kundi sa kaliwanagan. Ginawa ito ng Diyos sa pamamagitan ng batong itinakwil na naging saligan na si Kristo Hesus.
Sa Ebanghelyo, pinalakas ni Hesus ang kalooban ng Kanyang mga apostoles. Ang mga alagad ay pinanghihinaan ng loob sapagkat nalalapit na ang oras ng pag-alis ni Hesus. Inihayag ng Panginoong Hesus sa Kanyang diskurso sa mga apostol na Siya ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Nagbibigay ng pag-asa't lakas ng loob sa bawat isa ang Panginoong Hesus bilang daan, katotohanan, at buhay.
Ang Mabuting Balitang ito ang ipinapalaganap ng mga apostol sa Unang Pagbasa. Lumaganap ang Salita ng Diyos sa iba't ibang dako at dumami ang bilang ng mga nananalig at sumasampalataya kay Kristo Hesus. Marami ang sumampalataya sa daan, katotohanan, at buhay na si Hesus. Sa pamamagitan ng ministeryo ng mga apostoles, napakinggan ng maraming tao mula sa iba't ibang dako ang Mabuting Balita ng Panginoong Muling Nabuhay at sumampalataya sa Kanya.
Hinahamon tayong lahat bilang mga anak ng Muling Pagkabuhay na magpatotoo, sumaksi sa Panginoong Muling Nabuhay. Ipakilala natin si Kristo sa lahat bilang Daan, Katotohanan, at Buhay. Ipakilala si Kristo Hesus bilang tagabigay ng pag-asa. Magpatotoo tungkol sa kahanga-hangang gawa ng Diyos sa pamamagitan ni Kristong Muling Nabuhay.
Si Hesus ang Daan, Katotohanan, at Buhay. Siya ang tagabigay ng pag-asa. Hindi tayo mababalisa sa piling Niya. Hindi pagkabalisa ang idudulot Niya sa bawat isa kundi kapanatagan at katatagan ng loob. Mapapanatag tayo sa Kanyang piling.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento