21 Mayo 2017
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21
Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita sa mga alagad tungkol sa Espiritu Santo. Ang mga alagad ay hindi mamumuhay tulad ng mga ulila sapagkat ang Patnubay - ang Espiritu Santo - ay lagi nilang makakasama. Mananahan sa puso ng mga apostoles ang Espiritu Santo. Makakapiling nila araw-araw ang Banal na Espiritu. Ang Banal na Espiritu ang tutulong sa mga apostol sa kanilang ministeryo pagdating ng araw ng paglisan ni Hesus sa sanlibutan. Ang buhay ng mga disipulo ay maninibago sa tulong ng Patnubay - ang Espiritu Santo.
Sa Kredong Niceno, inilarawan ang Espiritu Santo bilang tagapagbigay ng buhay. Panginoon at nagbibigay-buhay. Ang Espiritu Santo ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang iisang Diyos na bukal ng buhay. Sa Kanya nagmumula ang ating buhay at hininga. Tayong lahat ay binigyan ng Espiritu Santo ng hininga at buhay. Kung hindi dahil sa Espiritu Santo, wala tayong buhay at hininga ngayon.
Inilarawan ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa kung ano ang uri ng buhay ang kaloob ng Espiritu Santo. Ang buhay na kaloob ng Banal na Espiritu sa bawat isa ay ang buhay at pusong nakasentro kay Kristo. Ang biyaya ng buhay na kaloob ng Espiritu Santo sa lahat ay puno ng kalinisan at kabutihan. Ang buhay na bigay ng Banal na Espiritu ay nagdudulot ng kadalisayan ng budhi. Puno ng kabutihan, kalinisan, at kadalisayan ang buhay na kaloob ng Espiritu Santo sa bawat isa.
Ang biyaya ng buhay na ito'y ipinagkaloob ng Espiritu Santo sa mga Samaritanong tumanggap sa Salita ng Diyos sa Unang Pagbasa. Nilukuban ng Espiritu Santo ang mga Samaritanong tumanggap sa Mabuting Balita ng Panginoon na ipinangaral ng mga apostoles. Sa pamamagitan ng mga panalangin nina Apostol San Pedro at San Juan para sa kanila noong sila'y pumunta sa bayan ng Samaria, ang Espiritu Santo ay pumanaog sa mga Samaritano. Noong nilukuban ang mga Samaritano ng Banal na Espiritu, tinanggap nila ang bagong buhay na kaloob ng Espiritu. Isang bagong buhay na nakasentro kay Kristo Hesus na Panginoon at Tagapagligtas.
Patuloy tayong sinasamahan at tinutulungan ng Espiritu Santo, ang Patnubay na kaloob ng Panginoong Hesus. Ang Espiritu Santo ay ang Patnubay na nagbibigay-buhay. Ang buhay na kaloob ng Espiritu Santo ay puno ng kalinisan at kabutihan. Ang buhay na kaloob ng Espiritu Santo ay ang buhay na nakasentro kay Kristo. Sa pamamagitan ng bagong buhay na kaloob ng Espiritu Santo, ang atas ni Hesus sa Ebanghelyo ay masusunod at maisasabuhay natin. Ang atas ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ngayong Linggo, "Kung iniibig ninyo Ako, tutuparin ninyo ang Aking mga utos." (14, 15). Maipapahayag natin ang ating pag-ibig para sa Panginoong Hesus; ang Kanyang mga utos ay ating matutupad sa tulong ng ating Patnubay na nagbibigay-buhay - ang Espiritu Santo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento