7 Mayo 2017
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Linggo ng Mabuting Pastol
Mga Gawa 2, 14a. 36-41/Salmo 22/1 Pedro 2, 20b-25/Juan 10, 1-10
Si Hesus ay ang Mabuting Pastol at ang bukal ng buhay. Siya ang Pinagmumulan ng buhay. Siya ang bukal ng buhay para sa Kanyang mga tupa. Binigyan Niya ng buhay ang lahat ng Kanyang mga tupa. Ang buhay na kaloob ng Mabuting Pastol na si Hesus sa Kanyang mga tupa ay isang buhay na ganap at kasiya-siya (Juan 10, 10). Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay pumanaog sa sanlibutan - nang magkaroon ng buhay ang mga tupa sa Kanyang kawan sa pamamagitan Niya.
Paanong binigyan ng Panginoong Hesukristo ng isang buhay na ganap at kasiya-siya ang Kanyang mga tupa? Inilarawan ito sa Una at Ikalawang Pagbasa para sa Misa ngayong Linggo. Inihayag ng Unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Una at Ikalawang Pagbasa kung paanong ang mga tupa ni Kristo ay nagkaroon ng isang buhay na ganap at kasiya-siya sa pamamagitan Niya.
Inihayag nang malakas ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa na ang Panginoon at Kristong ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao ay walang iba kundi si Hesus na ipinako sa krus. Si Hesus na pinatay sa krus ang ipinangakong Mesiyas na kaloob ng Diyos sa lahat. Muling nagsalita si Apostol San Pedro tungkol sa kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Tayong lahat ay tinipon muli ni Kristo at pinagkalooban ng buhay na ganap at kasiya-siya sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at Muling Pagkabuhay.
Batid ni Hesus kung ano ang mga kailangan ng mga tupa sa Kanyang kawan. Batid ni Hesus ang lahat ng mga pangangailangan ng Kanyang mga tupa. Alam ni Hesus na sanggalang ang kailangan ng Kanyang kawan. Alam ni Hesus na kaginhawahan ang kailangan ng Kanyang kawan. Alam ni Hesus isang buhay na ganap at kasiya-siya ang kailangan ng Kanyang kawan. Dahil diyan, ang Panginoong Hesukristo ay pumanaog sa lupa. Si Hesus ay pumarito sa lupa upang bigyan ng buhay na ganap at kasiya-siya ang Kanyang mga tupa sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus at Muling Pagkabuhay.
Si Hesus ang Mabuting Pastol. Hindi tayo makukulangan sa Panginoong Hesus na ating Mabuting Pastol. Sapat na ang mga biyayang kaloob Niya sa atin. Ang buhay na ganap at kasiya-siya na Kanyang kaloob ay sapat na. Hindi mapapantayan ang habag at kalinga ni Hesus na Mabuting Pastol. Bilang Mabuting Pastol, si Hesus ay nagbibigay ng buhay na ganap at kasiya-siya sa Kanyang kawan. Tayong lahat ay hindi magdarahop o makukulangan sapagkat si Kristo Hesus ang ating Mabuting Pastol na nagbibigay ng buhay na ganap at kasiya-siya.
Pastol ko'y Panginoong D'yos, hindi ako magdarahop. Aleluya!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento