Linggo, Abril 30, 2017

SA KRUS MO AT PAGKABUHAY

30 Abril 2017 
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/1 Pedro 1, 17-21/Lucas 24, 13-35 



Sa Ebanghelyo, tinalakay ng dalawa sa mga alagad ang lahat ng mga naganap sa lunsod ng Herusalem habang sila'y naglalakbay patungong Emaus. Si Hesus ang pangunahing paksa ng kanilang pag-uusap sa kanilang paglalakbay. Habang nag-uusap ang dalawang ito tungkol kay Hesus, mapagtatanto natin na inilalabas nila ang kanilang mga nararamdaman. Inihahayag nila ang kanilang mga saloobin. Sa kanilang opinyon, nakakapanghinayang si Hesus. Napakasikat ni Hesus, kilalang-kilala Siya ng lahat bilang isang kagalang-galang na guro. Maraming naniniwala't umaasang Siya nga ang Mesiyas na hinihintay, kabilang na ang dalawang alagad na ito. Subalit, humantong ang lahat sa kamatayan ni Hesus sa krus. 

Mga katanungan at mga hinanakit ang nilalaman ng kanilang mga puso. Ang mga alagad na ito ay naghahanap ng mga kasagutan. Hindi nila maunawaan ang lahat ng mga pangyayaring naganap o kung bakit naganap ang lahat ng mga iyon. Nais ng mga alagad na magkaroon ng paglilinaw ang lahat ng mga kaganapan. Nais ng dalawang ito na liwanagan ang kanilang mga isipan tungkol sa mga kaganapan sa Herusalem na nakasentro kay Hesus na taga-Nazaret, ang Nazareno. 

Batid ng Panginoong Hesus ang nilalaman ng puso ng dalawang alagad. Batid ni Hesus na puno ng mga hinanakit at mga katanungan ang mga puso ng dalawang disipulong naglalakbay patungong Emaus. Alam ng Panginoong Hesus kung ano ang naramdaman ng mga apostoles dahil sa lahat ng mga kaganapan. Alam Niya na hindi pa lubusang maintindihan ng mga apostol ang lahat ng mga nangyari sa Kanya. Alam ng Panginoong Hesus kung ano ang tanging ninanais ng mga alagad sa mga sandaling yaon. Kaya, ang Panginoong Hesus na mismo ang nagbigay ng paglilinaw sa mga alagad ukol sa lahat ng mga nangyari sa Kanya.

Ang mga tanong sa mga puso ng mga disipulo ay binigyan ng kasagutan ni Hesus sa pamamagitan ng pamamaraang ito. Una, Siya'y nagpakita sa Kanya at sumama sa kanilang paglalakbay, bagamat hindi Siya nakilala ng dalawa. Si Hesus ay isang dayuhan, estranghero, sa mata ng mga disipulo. Pangalawa, ipinaliwanag Niya ang lahat ng mga nasasaad sa mga Banal na Kasulatan tungkol sa sarili Niya. Ang mga pangyayaring naganap ay hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Pangatlo, si Hesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, pinaghati-hati iyon, at ibinigay sa mga alagad. Sa pamamagitan nito, ipinaliwanag ng Panginoong Hesus sa mga disipulo ang lahat ng mga nangyari sa Kanya. 

Nang masaksihan ng dalawang disipulo ang lahat ng mga nangyari sa daan at sa kanilang tahanan sa Emaus, napuno ng kagalakan ang kanilang mga puso. Silang dalawa ay napuspos ng kagalakan sapagkat nakita nila ang Panginoong Hesus na muling nabuhay. Ang estrangherong kasama at kausap nila sa daan at kasalo nila sa hapag ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Totoo nga ang lahat ng mga balitang narinig nila mula sa mga babaeng kasamahan nila. Tunay ngang muling nabuhay ang Panginoong Hesukristo. 

Kaya naman, bumalik sa Herusalem ang dalawang alagad na ito upang ibalita sa mga kasama nila kung ano ang nangyari. Nakatagpo nila ang Panginoong Muling Nabuhay sa daang patungong Emaus. Pinatotohanan ng dalawang alagad sa mga kasama nila na si Hesus ay tunay ngang muling nabuhay. Nasaksihan ng dalawa kung paanong nagpakita sa kanila si Hesus. Noong una nilang nakatagpo sa daan si Hesus, Siya'y nagmukhang isang dayuhan. Subalit, nakilala ng dalawa si Hesus noong pinaghati-hati Niya ang tinapay. 

Ito ang Mabuting Balitang pinatotohanan ng Unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Una at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inihayag nang malakas ni Apostol San Pedro sa mga mamayan ng Herusalem na pinatay si Hesus ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. Muling nagsalita si Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Inihayag niya na si Kristo Hesus ang Korderong walang kapintasan na inialay para sa katubusan ng lahat. Tayong lahat ay iniligtas at pinalaya ni Kristo Hesus sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. 

Patuloy na pinatotohanan ng Simbahan magpahanggang ngayon ang kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus ang buod at rurok ng ating pananampalataya. Sa pamamagitan ng krus at Pagkabuhay ni Hesus, tayong lahat ay Kanyang iniligtas at pinalaya. 

Sa krus Mo at Pagkabuhay, kami'y natubos Mong tunay. 
Poong Hesus naming mahal, iligtas Mo kaming tanan 
ngayon at magpakailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento