Miyerkules, Abril 19, 2017

HINDI KATHANG-ISIP

19 Abril 2017 - Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35 



Maraming himalang ginawa si Hesus noong Siya'y nasa lupa. Nagpagaling Siya ng mga lumpo, mga bulag, mga ketongin, at iba pang mga maysakit. Nagpalayas Siya ng mga masasamang espiritu mula sa mga sinasapian ng mga ito. Muli rin Niyang binuhay ang mga patay, kabilang na ang anak ng biyuda mula sa bayan ng Nain at ang Kanyang kaibigang si Lazaro. Subalit, ang pinakadakilang himalang ginawa ni Hesus ay ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos. 

Isang lalaking ipinanganak na lumpo dahil sa kapangyarihan ni Kristong Muling Nabuhay sa Unang Pagbasa. Sina Apostol San Pedro at Apostol San Juan ay mga instrumento lamang. Ang tunay na gumaling sa lalaking lumpo ay si Hesus. Ang Panginoong Hesus ang tunay na tagapagpagaling. Siya ang tunay na nagdudulot ng kagalingan sa lahat ng mga maysakit at karamdaman. 

Napatunayan ng dalawang alagad na naglakbay patungong Emaus na tunay ang pinakadakilang himala ng Panginoon. Hindi guni-guni, hindi isang kathang-isip lamang ang pinakadakilang kababalaghan ng Panginoon. Nakita ng dalawang ito nang personal ang Panginoong Muling Nabuhay. Habang naglalakbay patungong Emaus, hindi nakilala ng dalawang apostol na ang kapwa nilang manlalakbay ay ang Panginoong Muling Nabuhay. Nakilala lamang nila ang Panginoong Muling Nabuhay noong pinaghati-hati Niya ang tinapay. 

Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay hindi isang guni-guni. Hindi ito isang kathang-isip. Talagang nangyari ang Muling Pagkabuhay ni Kristo. Tunay ngang Muling Nabuhay ang Panginoon. Ang Muling Pagkabuhay ang nagkukumpleto sa misyon ng Panginoong Hesukristo. Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay ang tunay at pangunahing dahilan kung bakit natatag ang Simbahan. Ang Simbahan ay patuloy na sumasampalataya, sumasaksi, at nagpapalaganap ng Ebanghelyo o Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesukristo. Si Hesus ay tunay na muling nabuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay, Siya'y nagtagumpay at nagkaloob ng kaligtasan para sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento