Linggo, Abril 16, 2017

BUOD AT RUROK NG PANANAMPALATAYA

16 Abril 2017 
Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 



Sa kalendaryong liturhikal ng Simbahan, ang araw na ito ang pinakamahalagang araw sa buong taon. Higit na mahalaga ang araw na ito kaysa sa ibang araw para sa Inang Simbahan. Sapagkat sa araw na ito, ipinagdiriwang ng Inang Simbahan ang rurok at buod ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Ang araw na ito ay ang araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Muling nabuhay ang Panginoong Hesukristo mula sa mga patay. Lumabas at bumangon nang matagumpay mula sa libingan ang ating Panginoong Hesukristo.

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa kahalagahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo sa pananampalatayang Kristiyano sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Sinabi niya na kung hindi muling nabuhay si Kristo, walang katuturan ang ating pananampalataya. Tanging ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ang nagbibigay saysay sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. 

Ang pananampalatayang ito ang siyang ipinangaral ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Isinalaysay ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa ang Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Ang Panginoong Hesus ay ipinako sa krus, namatay, at muling nabuhay sa ikatlong araw. Iyan ang buod at ang rurok ng pananampalatayang Katoliko. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagbibigay-saysay sa ating pananampalataya bilang mga Katolikong Kristiyanong nananalig at sumasampalataya sa Kanya bilang ating Panginoon at Diyos. 

Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, pinatunayan ni Hesus na totoo ang Kanyang mga winika tungkol sa Kanyang sarili. Tinupad ni Hesus ang bawat hula ng mga propeta sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas. Tinupad ni Hesus ang Kanyang ipinahayag at ipinangako sa lahat. Siya'y papatayin, ngunit Siya'y hindi mananatili sa libingan. Hindi mananatiling patay si Hesus. Ang Kanyang katawan ay hindi mananatili sa loob ng libingan. Bagkus, bumangon nang matagumpay si Hesus mula sa libingan at muling nabuhay sa ikatlong araw. Pinatunayan Niya na ang lahat ng Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang sarili ay totoo. Siya nga ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas at Mananakop ng lahat. 

Ipinakita rin ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay na hindi nagwawakas ang lahat sa kamatayan. Hindi Kalbaryo ang hantungan ng Kanyang misyon. Bagkus, ang Kanyang misyon ng paghahain ng sarili para sa lahat ng tao ay nakumpleto sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang krus at ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay magkakaugnay. Kung wala ang krus sa Kalbaryo, walang Muling Pagkabuhay na magaganap. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang huling yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal. 

Kaya nga, noong makita ng alagad na minamahal ni Hesus na si Apostol San Juan ang libingang walang laman sa Ebanghelyo, agad siyang naniwala sa katotohanang hindi ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Siya'y naniwala agad na ang Panginoon ay muling nabuhay. Batay pa lamang sa ayos ng mga tela na pambalot sa bangkay ng Panginoon, mga kayong lino, hindi ito kaso ng pagnanakaw. Hindi ninakaw ang bangkay ni Kristo; tunay ngang Siya'y muling nabuhay. 

Ang libingang walang laman ang saksi sa buod at rurok ng pananampalataya natin bilang mga Katolikong Kristiyano. Ang libingang walang laman ang nagpapatotoo na tunay ang Misteryo Paskwal ni Hesus. Si Hesus ay ipinako sa krus, namatay, at inilibing. Subalit, hindi nanatiling patay ang Panginoong Hesus. Hindi nanatili sa libingan ang Panginoong Hesus matapos Siyang mamatay sa krus. Bagkus, noong sumapit ang ikatlong araw, bumangon nang matagumpay ang Panginoong Hesus. Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw. 

Ang buod at rurok ng ating pananampalatayang Katoliko ay ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo. Binibigyan ng kabuluhan ng Pasyong Mahal at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang pananampalatayang Kristiyano. Kung hindi Siya namatay sa krus at muling nabuhay, walang saysay o kahalagahan ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, binuo ni Hesus ang Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tinubos Niya ang lahat ng tao. Tayong lahat ay nagtitipon linggo-linggo sa Misa bilang mga Kristiyano dahil sa krus at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. 

SI KRISTO'Y MULING NABUHAY! ALELUYA! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento