Lunes, Abril 10, 2017

PITONG HULING WIKA - IKATLONG WIKA

IKATLONG WIKA (Juan 19, 26-27):
"BABAE, NARITO ANG IYONG ANAK...
NARITO ANG IYONG INA!" 


Sa salaysay ng Pasyong Mahal ng Panginoon, ipinakita ng ating Mahal na Ina kung paanong maging matatag sa mga sandali ng kahirapan sa buhay. Itinuturo niya sa ating lahat kung paanong manalig sa Diyos sa kabila ng kahirapan ng buhay. Ito'y ipinakita sa atin ng Mahal na Birheng Maria noong siya'y nakiisa at sumunod kay Hesus sa mga nalalabing sandali ng Kanyang buhay sa krus. 

Iniwanan at tinalikuran si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang mga alagad (maliban kay San Juan) ay tumalikod sa Kanya sa Halamanan dahil sa tindi ng kanilang takot sa mga autoridad. Natakot ang mga apostol dahil ayaw nilang mamatay. Kaya, iniwanan nila si Hesus sa Getsemane. Si Hudas Iskariote naman ay tumalikod kay Hesus sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga kaaway ni Hesus. Binenta ni Hudas si Hesus sa mga nagbabanta laban sa Kanya kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Si Apostol San Pedro ay tumalikod rin kay Hesus. Tatlong ulit niyang itinatwa si Hesus habang Siya'y nililitis ng Sanedrin. 

Si Hesus ay iniwanan ng lahat sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Iilan lamang ang mga nanatili sa Kanyang tabi sa mga sandaling iyon. Isa na rito ang Mahal na Inang si Maria. Nakiisa si Maria nang buong katapatan at katatagan sa pagdurusa ng Anak niyang iniibig na si Hesus. Si Maria ay nanatiling kasama ng Anak niyang iniibig. Hindi pinabayaan o tinalikuran ni Maria si Hesus. Nakiisa, dumamay si Maria sa pagdurusa ni Hesus. 

Nanatiling matatag ang Mahal na Birheng Maria sa mga huling sandali ng buhay ng Panginoong Hesus. Nakita ni Maria kung paanong sinaktan at pinahirapan ng mga kawal at iba pang mga kasapi ng autoridad si Hesus. Nakita ni Inang Maria kung paanong pinagtulungan ng mga autoridad ang Panginoong Hesus. Walang awa nilang pinagtulungan at sinaktan si Hesus. Nakita ni Maria kung paanong si Hesus ay nagpatuloy sa Kanyang daan sa Kalbaryo habang pasan-pasan ang krus. Nakita ni Maria kung paanong nagdusa si Hesus habang nakabayubay sa krus. 

Tiniis ng Mahal na Birheng Maria Maria ang lahat ng sakit dulot ng pagdurusa ni Hesus. Tiniis ni Maria ang lahat ng hapdi, ang lahat ng pighati, ang lahat ng kirot sa kanyang puso. Naramdaman rin ng Mahal na Inang si Maria ang bawat sakit na naramdaman ni Hesus habang nakapako sa krus. Nagdusa si Inang Maria kasama ang minamahal niyang Anak na si Kristo Hesus. 

Hindi natakot ang Mahal na Birheng Maria sa mga autoridad. Ang mga apostol ay tumakas mula sa mga autoridad noong dinakip si Hesus sa Getsemane. Iniwanan nila si Hesus dahil sa tindi ng kanilang takot sa mga autoridad. Ipinagkaila rin ni Apostol San Pedro si Hesus dahil sa takot. Silang lahat ay takot mamatay. Subalit, ang Mahal na Birheng Maria ay hindi natakot. Hindi natakot ng Mahal na Birheng Maria ang mga autoridad. Kahit alam ni Maria na maaari siyang dakipin ng mga autoridad dahil siya ang ina ni Hesus, hindi siya nagpadaig sa takot. Bagkus, ang Mahal na Birheng Maria ay sumunod kay Kristo Hesus nang buong katapangan at katapatan. Hindi pinabayaan ni Maria ang Anak niyang naghihingalo. 

Kaya, ipinagkatiwala ng Panginoong Hesus sa pangangalaga ni Apostol San Juan ang Mahal na Birheng Maria. Ipinagkatiwala ni Hesus kay San Juan Apostol, ang kumakatawan sa Simbahan sa mga sandaling iyon, ang Mahal na Birheng Maria. Ibinigay ni Hesus si Maria upang maging ina ng Simbahan. Ibinigay ni Hesus si Maria upang maging ina't huwaran ng bawat Kristiyano.  

Mayroong huwarang ibinigay ang Panginoong Hesus sa ating lahat - ang Mahal na Birheng Maria. Nagpakita ng katatagan ang Inang Maria sa mga huling sandali ng buhay ni Hesus. Hindi siya nagpatalo sa takot. Hindi niya hinayaang maghari ang takot sa kanyang puso. Hind niya ikinubli ang sarili dahil sa takot. Bagkus, buong kababaang-loob at katahimikan na naging matatag ang Mahal na Inang si Mariang Birhen habang nasasaksihan niya ang bawat sandali ng Pasyon ng kanyang Anak na si Hesus. Sumunod at nakiisa ang Mahal na Inang si Maria sa Pasyon ni Hesus nang buong katapatan, katatagan, katahimikan, at kababaang-loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento