Linggo, Abril 9, 2017

PITONG HULING WIKA - UNANG WIKA

UNANG WIKA (Lucas 23, 34)
"AMA, PATAWARIN MO SILA SAPAGKAT HINDI NILA NALALAMAN ANG KANILANG GINAGAWA.


Paano mo ba mapapatawad ang mga taong tumalikod sa iyo?
Paano mo ba mapapatawad ang isang traydor?
Paano mo ba mapapatawad ang isang mamamatay-tao?
Paano mo ba mapapatawad ang mga lumalait sa iyo? 

Hindi madaling magpatawad. Ang pagpapatawad ay isa sa mga pinakamahirap gawin. Kapag mayroon tayong kaaway o mayroong nagkasala laban sa atin, nais nating maghiganti. Nais nating maghiganti upang sa gayo'y magiging patas ang lahat. Mahirap magpatawad, madaling maghiganti. Pinapairal ang prinsipiyong, "Mata sa mata at ngipin sa ngipin." Paniwala natin na papayapa tayo kapag tayo ay naghiganti laban sa ating mga kaaway. 

Kapag nakikita natin ang ating mga kaaway, naiinis tayo. Umiinit ang ating ulo, kumukulo ang ating dugo. Para sa atin, ang mga kalaban natin ay mga panira ng araw. Sa tuwing nakikita natin sila, nasisira ang araw natin. Para sa atin, wala na silang ibang ginawa kundi sirain ang ating mga araw. Ayaw natin silang tingnan. Ayaw nating gumawa ng mabuti para sa kanila. Sila'y nais nating bigwasan. Nais nating gumawa ng masama laban sa kanila. Kapag sira ang kanilang araw o kaya nama'y hindi natin sila nakikita, gumaganda at gumiginhawa kahit papaano ang ating pakiramdam. Makakahinga na tayo nang maluwag. 

Mahirap magpatawad. 'Di hamak na mas madaling maghiganti. Mas madali para sa atin na gantihan ng masama ang masama. Mas madaling gumawa ng masama sa mga gumagawa ng masama laban sa atin. Subalit, kapag ang paghihiganti ang pinairal, ang kasamaan at karahasan ay lalaganap sa lipunan. Kapag pinairal ang kultura ng paghihiganti sa lipunan, hindi tayo makakapamuhay nang mamapaya. Hindi tatahimik at papayapa ang buhay natin kapag iyon ang nangyari. 

Habang nakabayubay sa krus, nanalangin si Hesus sa Ama para sa mga umuusig sa Kanya. Nanalangin si Hesus upang ang Kanyang mga kaaway ay patawarin ng Ama. Kahit na inusig, niyurakan, nilibak, dinuraan, at ginawan ng iba't ibang uri ng kasamaan, hinangad pa rin ni Hesus na patawarin ng Ama ang mga umuusig sa Kanya. Hinangad ng Panginoong Hesus na makamit ng Kanyang mga kaaway at tagausig ang biyaya ng kapatawaran mula sa Ama, gaano pa man sila kasama. 

Tinalikuran si Hesus ng madlang sumalubong sa Kanya noong pumasok Siya sa Herusalem. Tinalikuran Siya ng mga alagad na sumama at sumunod sa Kanya sa loob ng mahabang panahon. Ipinagkanulo Siya ni Hudas Iskariote. Siya'y tatlong ulit na ipinagkaila ni Apostol San Pedro. 'Di makatarungan ang paglilitis sa Kanya. Siya'y hinagupit, pinutungan ng isang koronang gawa mula sa halamang matinik. Nilibak at dinuraan hanggang sa naipako Siya sa krus. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, si Hesus ay humingi ng kapatawaran mula sa Ama para sa kanila. 

Si Hesus ay humingi ng kapatawaran mula sa Ama habang Siya'y nakabayubay sa krus. Nilabanan Niya ang kasamaan nang hindi gumagamit ng dahas. Hindi Niya hinangad ng masama para sa Kanyang mga kaaway at tagausig. Bagkus, humingi si Hesus ng kapatawaran para sa mga umuusig sa Kanya. Kabutihan ang iginanti ng Panginoong Hesus sa mga umuusig sa Kanya. Sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti para sa Kanyang mga tagausig, nagtagumpay si Hesus laban sa kultura ng paghihiganti at kasamaan nang hindi gumagamit ng karahasan. 

Ang pagpapatawad ay mahirap, subalit hindi ito imposible. Mahirap magpatawad, subalit kinakailangan nating gawin ito upang guminhawa ang ating buhay. Kapag tayo'y magpapatawad, magkakaroon ng kapayapaan sa ating buhay. Mapapawi sa puso't kalooban ng bawat isa ang galit at poot. Papayapa at gaganda ang buhay ng bawat isa kapag magpapatawaran at magkakasundo ang isa't isa. 

Manalangin tayo sa Panginoong Hesus upang tulungan tayo sa pagtularan natin sa Kanyang halimbawa. Manalangin tayo upang bigyan Niya tayo ng lakas ng loob at kapayapaan. Manalangin tayo kay Kristo upang matularan natin ang halimbawang Kanyang ipinakita sa krus. Manalangin tayo kay Kristong Panginoon upang tayo'y makakapagpatawad katulad Niya. 

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming magpatawad katulad Mo. Amen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento