Biyernes, Abril 21, 2017

KAHANGA-HANGA

21 Abril 2017 - Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14 



Si Apostol San Pedro ay nagsalita sa harapan ng mga punong saserdote tungkol kay Hesus sa Unang Pagbasa. Puspos ng Espiritu Santo, inihayag ni Apostol San Pedro sa mga punong saserdote na ang lalaking ipinanganak na lumpo ay gumaling dahil ang nagpagaling sa kanya ay ang kapangyarihan ni Kristo Hesus. Hindi si Apostol San Pedro ang nagpagaling sa lalaking lumpo; siya'y isang instrumento lamang. Si Kristong Muling Nabuhay ang nagpagaling sa lalaking ipinanganak na lumpo. Ang mga apostol ay mga instrumento lamang. Sila'y mga daluyan ng kapangyarihan ng Panginoon. Sa pamamagitan nila, dumadaloy, bumubuhos, ang kapangyarihan ni Kristong Panginoon at Tagapagligtas ng lahat. 

Ang Panginoong Muling Nabuhay ay muling nagpakita sa mga apostoles sa Lawa ng Tiberias sa Ebanghelyo. Ang alagad na minamahal na si Apostol San Juan ang unang nakakakilala sa Panginoong Hesus. Nakita ni Apostol San Juan kung gaano karami ang kanilang nahuli. Naalala nya na nakahuli sila nang ganitong karaming isda noong una nilang nakatagpo si Hesus sa Lawa ng Genesaret (Lucas 5, 1-11). Sa araw ding yaon ay tinawag sila ni Hesus. Bilang tugon sa Kanyang pagtawag, sila'y sumunod sa Kanya. Muli silang nakahuli ng ganitong karaming isda. Kaya naman, napagtanto ni Apostol San Juan na ang lalaki sa pampang na nag-utos sa kanila na ihulog ang kanilang mga lambat sa gawing kanan ng bangka upang magkaroon sila ng huli ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus na muling nabuhay. 

Nakakatayo at nakakalakad ang mga lumpo. Nakakakita ang mga bulag. Ang mga bingi ay nakakarinig. Nakakapagsalita ang mga pipi. Tumatahimik ang mga unos. Ang mga patay ay muling nabubuhay. Ang Panginoon lamang ang makakagawa ng mga kahanga-hangang bagay na ito. Hindi mapapantayan ng sinumang tao dito sa lupa ang Kanyang kapangyarihan. Walang sinumang tao sa lupa ang makakagawa ng mga kahanga-hangang bagay tulad ng mga ginagawa ng Panginoon. 

Maraming mga kahanga-hangang bagay ang ginawa ng Panginoon. Ang mga ito'y hindi natin mabibilang. Hindi rin natin mabibilang kung ilang ulit ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan. Subalit, isang katotohanan lamang ang dapat nating malaman at ingatan sa ating mga puso't diwa. Ang Panginoon ay puspos ng kadakilaan at kapangyarihan. Ang lahat ng Kanyang mga gawa ay kahanga-hanga at kalugud-lugod. Hindi ito kayang pantayan ng sinumang tao sa lupa. 

Sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, ipinamalas ang kapangyarihan ng Diyos. Ipinamalas ng Diyos kung gaano kadakila ang kapangyarihang Kanyang taglay sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo - ang Panginoong Hesukristo. Pinatunayan ng Panginoong Hesukristo na kahanga-hanga ang kapangyarihan at kadakilaang taglay ng Diyos sa Kanyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw. 

Ang Panginoong Hesus ay muling nabuhay. Tunay nga Siyang muling nabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, ipinamalas sa lahat ang kahanga-hangang kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos na walang kapantay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento