Biyernes, Abril 14, 2017

PITONG HULING WIKA - IKAANIM NA WIKA

IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30):
"NAGANAP NA!" 


"Anong ganap?" Tinatanong ito upang malaman kung anong mayroon. Tinatanong ito upang malaman kung anong mangyayari. Kapag ang pangyayaring magaganap ay nakakainteresado para sa isang tao, siya'y mananatili upang saksihan nang buo ang pangyayaring ito. Hindi niya nais malampasan ang kaganapang iyon mula sa simula hanggang sa katapusan niyon. Kapag hindi naman nakakainteresado, aalis na lamang siya. May mga ilang magsasabing, "Balitaan mo na lang ako." 

Tuwing sasapit ang Biyernes Santo, ginugunita ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng daigdig - ang paghahain ng Panginoong Hesus sa krus. Inalay ni Hesus ang Kanyang sarili alang-alang sa ating kaligtasan. Inako Niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayong lahat ay matubos. Siya'y naging dakilang hain upang ang lahat ng kasalanan ay magkaroon ng kapatawaran. 

Sa pamamagitan ng pagsigaw ng mga katagang "Naganap na!", inihayag ni Hesus na nagkaroon ng kapatawaran ang lahat ng kasalanan. Inihayag rin ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng mga salitang ito na tinubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Pinalaya na ang sangkatauhan mula sa pagkaalipin dulot ng kasalanan sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo. Hindi na mga bihag ng kasaalanan ang bawat tao. Ang bawat tao'y may kalayaan upang mamuhay bilang mga inangking anak ng Diyos. Ang lahat ng iyon ay naganap sa pamamagitan ni Kristo. 

Inihayag ni Kristo sa pamamagitan ng mga katagang ito kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos, sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ay pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao. Nang magawa iyon, inihandog Niya ang sariling buhay alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ibinigay ng Panginoon ang Kanyang buong sarili upang magkaroon ng kapatawaran ang kasalanan ng tao. Ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito dahil sa Kanyang pag-ibig. 

Mapalad tayong lahat. Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na lubos na nagmamahal. Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na puspos ng Awa at Habag. Mapalad tayo sapagkat pinili tayong iligtas ng Diyos. Mapalad tayo dahil mayroon tayong Tagapagligtas - si Kristo - na nag-alay ng Kanyang sarili para sa ating lahat. Mapalad tayong lahat sapagkat nagkaroon ng kapatawaran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo ni Kristo. 

Ano'ng ganap ngayong Biyernes Santo? Nasa krus ni Kristo Hesus ang kasagutan. Sa pamamagitan ng krus ni Hesus, naligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng krus ng Panginoong Hesus, nagkaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan ng tao. Sa pamamagitan ng krus ni Hesus, ipinamalas kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan - walang kapantay at walang hanggan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento