IKAPITONG WIKA (Lucas 23, 46):
"AMA, SA MGA KAMAY MO'Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU!"
Hanggang sa huling sandali ng Kanyang buhay sa krus, ang Panginoong Hesus ay nanalig sa Ama. Hindi nawalan ng tiwala si Hesus sa Ama kailanman. Buong-buo ang pananalig ni Hesus sa kalooban ng Ama hanggang sa katapusan. Kaya nga, sa Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemane, namutawi ang mga salitang ito mula sa mga labi ni Hesus, "Huwag ang kalooban Ko ang masunod, O Ama, kundi ang kalooban Mo." (Lucas 22, 42)
Sa Kanyang Ikapitong Huling Wika mula sa krus, muling ipinakita ni Hesus ang buong puso Niyang pananalig sa Ama. Kahit nagdurusa sa krus, hindi nagmaliw ang pananalig ni Hesus sa Ama. Dahil sa pananalig ni Hesus sa Ama, tinanggap Niya ang krus nang buong kababaang-loob. Buong kababaang-loob na tumalima sa kalooban ng Ama si Hesus, kahit ang katumbas nito'y ang Kanyang buhay.
Niloob ng Ama na ialay ni Hesus ang Kanyang buhay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Niloob ng Ama na si Hesus ay mag-alay ng buhay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Batid ni Hesus na napakahirap ang ipinapagawa sa Kanya ng Ama. Batid ni Hesus na mahirap tanggapin at sundin ang kalooban ng Ama. Batid Niya na napakahirap at napakasakit ang kailangan Niyang danasin. Subalit, tinanggap at niyakap ni Hesus ang kalooban ng Ama nang buong pusong pananalig.
Puno ng kahirapan ang mga huling sandali ng Kanyang buhay. Puno ng hapis ang mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang mga huling sandali ng Kanyang buhay ay puno ng kadiliman. Subalit, sa kabila ng lahat ng ito, nanatiling mapanatag ang loob ni Hesus dahil sa Kanyang pananalig sa Ama. Para kay Hesus, mapapanatag ang kalooban ng bawat isa, kahit sa mga sandali ng kahirapan, kung ibibigay ang buong pusong pananalig sa Amang makapangyarihan at maawain.
May nais ituro sa atin ang Panginoong Hesus sa Kanyang Ikapitong Huling Wika mula sa krus. Nais ituro sa atin si Hesus na ang Diyos lamang ang magbibigay ng kapanatagan sa ating buhay, lalung-lalo na sa mga oras ng kahirapan. Totoo ngang hindi madaling manalig sa Diyos sa lahat ng pagkakataon sa buhay, lalung-lalo na sa mga oras ng kagipitan. Subalit, ang Panginoon lamang ang makakapagdulot ng kapantagan ng loob sa bawat sandali ng ating buhay. Kinakailangan lamang nating manalig sa Kanya nang buong puso't kaluluwa.
Tanging ang Diyos lamang ang makakapagbigay ng kapanatagan ng loob sa bawat sandali ng ating buhay, lalung-lalo na sa mga sandali ng kagipitan. Ibigay lamang natin ang buong puso nating pananalig sa Kanya. Sa gayon, magiging maayos ang lahat sa tulong ng Kanyang makapangyarihang Awa at Pag-Ibig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento