Sabado, Abril 22, 2017

MISYON

22 Abril 2017 - Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15 



Binabalaan sina Apostol San Pedro at San Juan tungkol sa kanilang pangangaral. Nagbigay ng babala ang mga pinuno at matatanda ng bayan at mga eskriba dahil umasa sila na matatakot ang mga apostol. Umasa sila na matatakot ang dalawang ito sa mga autoridad ng bayan. Kapag ang dalawang apostol na ito at ang kanilang mga kasama ay hindi na magsasalita o magtuturo tungkol kay Kristo Hesus dahil sa tindi ng takot sa mga autoridad, hindi na kakalat ang balitang ito. 

Subalit, hindi natakot sina Apostol San Pedro at San Juan sa mga autoridad. Hindi nasindak ang mga apostol sa babala ng mga autoridad. Kahit ano pang babala ang ibigay ng mga autoridad, hindi natakot ang dalawang apostol. Bagkus, malakas na inihayag nina Apostol San Pedro at San Juan na ipagpapatuloy nila ang ministeryo nila. Patuloy silang magsasalita at magtuturo tungkol kay Hesus. Ipagpapatuloy ng mga apostol ang ministeryong ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoong Hesukristo. Hindi sila takot sa kamatayan. Sina Apostol San Pedro, San Juan, at ang kanilang mga kasama ay hindi takot mamatay alang-alang sa Panginoong Hesukristo at sa Mabuting Balita. Handa silang mamatay upang matupad ang kalooban ng Diyos. 

Ang mga apostol ay binigyan ng misyon ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Ang misyong ito'y napakahalaga. Sinugo ang mga apostol sa iba't ibang lugar sa mundo upang ipalaganap ang Mabuting Balita. Ipapangaral ng mga apostol ang Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo sa lahat ng tao. Lalakbay ang mga apostol sa iba't ibang dako ng daigdig upang sumaksi at magpatotoo tungkol kay Kristong Muling Nabuhay. Magsasalita at magtuturo ang mga apostol sa lahat tungkol sa Mabuting Balita ng Panginoong Muling Nabuhay na si Kristo Hesus upang ang lahat ng tao sa daigdig ay manalig at sumampalataya sa Kanya. Ipapakilala ng mga apostol sa lahat ng tao ang Panginoong Muling Nabuhay na si Kristo Hesus. 

Nagpapatuloy magpahanggang ngayon ang misyon ng mga apostol. Ang misyong ipinamana ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyang araw. Ipinagpapatuloy ng Simbahan ang misyon ng pagsaksi at pagpapatotoo kay Kristo. Patuloy na ipinapakilala ng Simbahan ang Panginoong Muling Nabuhay sa lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa sa daigdig. Patuloy na nagtuturo ang Simbahan tungkol sa Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo. 

Ang tungkuling ito'y para sa lahat ng mga bumubuo ng Simbahan. Ito ang misyon natin bilang mga Kristiyano, mga kaanib ng Simbahan. Tinatawag at sinusugo ng Panginoong Muling Nabuhay ang bawat Kristiyano upang sumaksi at magpatotoo sa Kanya at sa Mabuting Balita sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Hinirang at sinusugo ang bawat kaanib ng Simbahan ng Panginoong Nabuhay na mag-uli upang ipakilala Siya sa lahat ng namumuhay dito sa daigdig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento