Sabado de Gloria - Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41; 42 (o kaya: 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Mateo 28, 1-10
Ang pagdurusa at kamatayan ng Panginoong Hesukristo ay nagdulot ng matinding hapis sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Matapos masaksihan ang pagdurusa at kamatayan ng Panginoong Hesukristo, napuno ng lungkot at lumbay ang Mahal na Birhen. Ang luha mula sa kanyang mga mata. Bagamat ang Mahal na Ina ay buong pusong nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos, hindi maiaalis sa kanyang puso ang hapdi at kirot dulot ng Pasyon ng kanyang Anak. Sinong ina ang hindi labis na masasaktan kapag may nangyaring masama sa kanyang anak?
Nasaksihan ni Maria ang bawat sandali ng Pagpapakasakit ni Hesus. Bawat saglit ng pagdurusa at kamatayan ni Hesus ay kanyang dinibdib. Natunghayan ni Maria ang bawat saglit noon. Bawat minuto, bawat segundo, bawat oras ng pagdurusa ni Hesus. Napakasakit para kay Inang Maria na saksihan ang bawat minuto ng araw na iyon. Napakasakit para kay Maria na masaksihan nang personal kung paanong kinutya, pinagtulungan, at pinatay si Hesus. Nandoon si Maria habang nagdusa si Hesus. Nakita ng kanyang mga mata ang matinding pagpapakasakit ni Hesus.
Tiniis ng Mahal na Birheng Maria ang lahat ng sakit. Tiniis ni Maria ang hapdi at kirot sa kanyang puso. Nagdusa siya kasama ni Hesus. Nakiisa siya sa pagdurusa ng Panginoong Hesus. Tiniis ng Mahal na Inang si Maria ang pagtarak ng tabak sa kanyang puso, tulad ng hinulaan ni Simeon sa templo. Ang kanyang puso'y hiniwa ng isang tabak. Napakasakit ng hiwa. Subalit, ang lahat ng iyon ay tiniis ni Maria habang sinasaksihan ang bawat sandali ng Pasyong Mahal ni Kristo.
Subalit, hindi nagtagal ang paghahapis ni Maria. Nagwakas ang kanyang hapis at pagluluksa noong muling nabuhay si Kristo Hesus. Nagwakas ang paghihinagpis ng Mahal na Ina noong nagpakita sa kanya ang Panginoong Muling Nabuhay. Kay laki ng tuwa't galak na naramdaman ng Mahal na Birhen. Napuspos ng kagalakan ang puso ng Birheng Maria nang makita ng kanyang mga mata ang kanyang Anak na muling nabuhay. Ang hapis ng Mahal na Birheng Maria ay tuluyang napawi at nagwakas dahil sa Panginoong Hesus na Muling Nabuhay.
Liwanag, kapayapaan, at kagalakan ang hatid ng Panginoong Muling Nabuhay na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan nito, ang kadiliman ay nasindak. Ang lungkot at hapis ay tuluyang pinawi ng Panginoong Hesukristo na Muling Nabuhay. Ang mga biyayang kaloob ng Panginoong Muling Nabuhay ang siyang ipinapalaganap.
Kaya nga sa Ebanghelyo, sinabihan ng Panginoong Muling Nabuhay ang dalawang Maria na pumunta sa libingan - sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria - na huwag silang matakot. Hindi takot ang hatid ni Kristong Muling Nabuhay. Bagkus, kagalakan, kapayapaan, at kaliwanagan ang hatid ni Kristong Muling Nabuhay sa lahat ng mga nananalig at sumusunod sa Kanya nang buong puso.
Batid ng Mahal na Birheng Maria na hindi takot ang hatid ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Alam ni Maria na hindi takot kundi kagalakan ang hatid ng Anak niyang Muling Nabuhay. Alam ni Maria na ang Anak niyang Nabuhay ang tagapawi ng takot at hapis. Alam ni Maria na ang hapis ay magiging tuwa't galak sa pamamagitan ng Anak niyang Muling Nabuhay, ang Panginoong Hesukristo.
Sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, huwag tayong matakot lumapit sa Panginoong Muling Nabuhay. Huwag tayong matakot na pagmasdan si Hesus na Muling Nabuhay. Bagkus, lumapit tayo nang may buong pananalig sa Kanya. Papawiin ng Panginoong Muling Nabuhay ang ating mga hapis at takot. Mula sa pagiging mga taong puno ng takot at hapis, tayong lahat ay mapupuno ng tuwa't galak. Nawa, kasama ang Mahal na Birheng Maria, awitin natin ang "Aleluya" na may tuwa't galak sa Panginoong Muling Nabuhay.
MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY SA LAHAT!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento