IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43):
"SINASABI KO SA IYO:
NGAYON DI'Y ISASAMA KITA SA PARAISO."
May ugnayan ang Una at Ikalawang Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus. Iisa lamang ang tema ng unang dalawang salita ng Panginoon habang nakabayubay sa krus - kapatawaran. Ang Unang Salita ni Kristo mula sa krus ay isang panalangin sa Ama para sa Kanyang mga tagausig. Nanalangin nang buong kataimtiman ang Panginoong Hesus upang ang Kanyang mga tagausig ay mapatawad ng Diyos, sa kabila ng mga masasamang gawain nila laban sa Panginoon. Ang Ikalawang Wika naman ay tungkol sa pagpapatawad ni Hesus sa isang salarin na ipinako sa krus sa bundok ng Kalbaryo kasama Niya. Pinatawad ni Hesus ang nagtitikang salarin. Ipinangako rin ni Hesus sa kanya na siya'y isasama Niya sa Paraiso.
Dimas ang pangalan ng salaring nagtika. Ayon sa tradisyon, ang krimeng kanyang ginawa ay pagnanakaw. Ano ba ang kanyang ninakaw? Hindi natin alam. Subalit, natitiyak natin na napakabigat ang kanyang ginawang krimen. Nagnakaw siya sa iba't ibang pamamaraan. Hindi lamang nagnakaw si Dimas ng iba't ibang bagay na nabibili ng salapi. Maaari siyang nakapatay ang tao. Ang pagpatay ay isa ring uri ng pagnanakaw sapagkat ang pagpatay ay pagnanakaw ng buhay. Ninanakaw ang karapatan ng isang tao upang mabuhay sa pamamagitan ng pagpatay.
Subalit, sa kabila ng mga mabibigat na kasalanan na kanyang ginawa, ipinangako pa rin sa kanya ni Kristo ang Paraiso. Kahit na maraming ninakaw si Dimas mula sa iba't ibang tao, ginantimpalaan siya ni Kristo ng Paraiso. Paano nangyari iyon? Paano nakamit ng isang salarin, isang kriminal, ang biyaya ng Paraiso? Sa dinami ng mga maaaring gantimpalaan, bakit kriminal pa ang pinili ni Kristo? Isa na nga siyang kriminal, siya pa ang gagantimpalaan! Bakit ipinangako ni Kristo sa isang salarin na siya'y isasama Niya sa Paraiso?
Habang siya'y nakapako sa krus, nagtika si Dimas. Pinagsisihan niya ang kanyang mga kasalanan. Inamin niya nang buong katapangan at kababaang-loob na dapat lamang siya parusahan. Inamin niyang makatarungan ang pagpaparusa sa kanya. Buong puso siyang sumamo sa Panginoon. Buong kataimtiman niyang hiniling sa Mahal na Poon na siya'y alalahanin kapag Siya'y naghari na.
Isang makasalanang taos-pusong nagtitika ang nakita ni Hesus kay Dimas noong sandaling iyon. Noong tumingin si Hesus kay Dimas, hindi Niya nakita ang isang kriminal na walang puso. Hindi Niya nakita ang isang kriminal na walang takot sa Diyos. Bagkus, nakita ni Hesus ang isang makasalanang taos-pusong nagbabalik-loob sa Diyos sa mga nalalabing sandali ng kanyang buhay. Nakita ng Panginoong Hesus ang isang makasalanang humihingi ng Awa at kapatawaran mula sa Diyos sa mga huling sandali ng kanyang buhay dito sa daigdig.
Batid ni Hesus na si Dimas ay tapat sa kanyang taos-pusong pangungumpisal sa Kanya habang nakabayubay sa krus. Batid ni Hesus na ninanais talaga ni Dimas maranasan ang dakilang Awa ng Diyos sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Kaya, ipinagkaloob ni Hesus ang hiling ni Dimas. Pinatawad ni Hesus si Dimas at ipinangako sa kanya ang Paraiso. Ipinangako ni Hesus na makakapiling Niya sa Paraiso ang nagtitikang magnanakaw na si Dimas.
Ang pangako ng Paraiso ay ipinagkakaloob ni Kristo sa mga makasalanang taos-pusong nagtitika at nagbabalik-loob sa Kanya. Hindi Niya ipagkakait ang biyaya na makapiling Siya sa Paraiso. Kinakailangan lamang pagsisihan at talikdan ang mga nagawang kasalanan at manumbalik sa Diyos. Matatamasa ng bawat isa ang langit na gantimpala ng Panginoon kapag iyon ang ginawa.
Mapalad tayo sapagkat ang Kumpisal ay isa sa mga Pitong Sakramento ng Santa Iglesya. Mapalad tayo sapagkat mayroong Kumpisal sa Simbahan. Sa Sakramento ng Kumpisal, mararanasan natin ang Awa ng Diyos na higit na makapangyarihan kaysa sa mga kasalanan natin. Binibigyan tayo ng pagkakataon ng Sakramento ng Kumpisal upang taos-puso nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at bumalik sa Diyos. Muling magiging buo ang ating buhay, makakapagsimula tayo uli dahil sa tulong ng Mabathalang Awa ng Panginoon.
Tularan natin ang halimbawa ni Dimas. Aminin natin nang buong katapangan at kababaang-loob ang ating mga kasalanan laban sa Diyos. Buong kababaang-loob tayong lumapit sa Panginoon at hingin ang Kanyang Awa. Manalangin tayo nang taimtim upang tayo'y Kanyang patawarin. Hinding-hindi ipagkakait ng Panginoon ang Kanyang Awa sa mga makasalanang taos-pusong nagtitika at nagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, ipagkakaloob at ibubuhos ng Panginoon ang grasya ng Kanyang Awa sa atin kapag taos-puso tayong magbabalik-loob sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento