Lunes, Abril 3, 2017

KABIGUAN

11 Abril 2017 
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 



Kabiguan ang tema ng mga Pagbasa ngayong Martes Santo. Sa Unang Pagbasa, ipinakita ng Diyos ang Kanyang tiwala sa bayang Israel, kahit Siya'y nabigo nila. Hinirang ng Panginoong Diyos ang bayang Israel para sa isang napakahalagang tungkulin. Sa pamamagitan ng bayang Israel, ililigtas ng Panginoong Diyos ang lahat ng tao. Hindi lamang mga Israelita ang ililigtas ng Diyos, kundi ang lahat ng tao. Tinupad ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ni Hesus na nag-alay ng Kanyang buhay sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na mabibigo si Apostol San Pedro sa pagtatanggol sa Kanya. 

Sa lahat ng mga apostol, higit na pinagkakatiwalaan si Apostol San Pedro. Siya ang pinuno ng mga apostol. Inihayag ni Hesus na siya ang bato na kung saang itatatag Niya ang Kanyang Simbahan. Sa kanya ipinagkatiwala ni Hesus ang mga susi sa kaharian ng langit. Siya ang Unang Santo Papa ng Simbahan. Subalit, siya pa ang magdudulot ng kabiguan sa Panginoon. Tatlong ulit na ipinagkaila ni Apostol San Pedro ang Panginoong Hesus. Mabibigo si Apostol San Pedro. Hindi niya tinupad ang kanyang pangako kayHesus. Hindi niya sasamahan at dadamayan si Hesus hanggang kamatayan. Bagkus, bago tumilaok ang manok, tatlong ulit na itinatwa ni Apostol San Pedro si Hesus dahil sa tindi ng kanyang takot. 

Masakit para kay Hesus na malamang tatlong ulit Siyang ipagkakaila ng alagad na lubos Niyang pinagkakatiwalaan. Subalit, alam Niyang ito'y mangyayari at dapat itong mangyari upang matupad ang kalooban ng Ama. Alam ni Hesus na tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Batid ni Hesus ang mga karupukan ni Apostol San Pedro. Batid ni Hesus na si Apostol San Pedro ay nagmamayabang lamang. Ang pangakong binitiwan ni Apostol San Pedro kay Hesus sa senakulo ay napatunayang hungkag. Noong nililitis si Hesus sa bahay ni Kaipas, tatlong ulit na ipinagkaila ni Apostol San Pedro ang Panginoong Hesus. Napako ang pangakong binitiwan ni Apostol San Pedro sa Panginoong Hesukristo. Si Apostol San Pedro ay nagmataas lamang sa harapan ni Hesus sa Huling Hapunan. 

Bakit may tiwala pa rin si Hesus kay San Pedro Apostol? Hindi ba binigo Siya ni Apostol San Pedro? Hindi ba nangako si Apostol San Pedro kay Hesus sa senakulo na sasamahan niya ang Panginoon, kahit kamatayan ang kapalit noon? Hindi ba hungkag at napako ang kanyang pangako sa Panginoon? Hindi ba tatlong ulit na ipinagkaila ni Pedro si Hesus? Matapos magmataas sa Huling Hapunan, dapat lang na hindi na magtiwala si Hesus kay San Pedro Apostol. Subalit, bakit nanatili ang tiwala ng Panginoong Hesus kay Apostol San Pedro? 

Kahit Siya'y tinalikuran, iniwan, at tatlong ulit na ipinagkaila ni Apostol San Pedro, malaki pa rin ang tiwala ni Hesus sa kanya. Nagtiwala pa rin si Hesus kay Apostol San Pedro, kahit Siya'y binigo ng apostol. Ipinapakita ni Hesus na kahit talikuran at iwanan Siya, mananatili Siyang tapat at totoo. Hinding-hindi magdudulot ng kabiguan ang Diyos. Kung binibigo ng tao ang Diyos at ang kapwa, hinding-hindi binibigo ng Diyos ang Kanyang mga hinirang at iniibig. 

Lahat tayo'y nakakaranas ng kabiguan. Tayo'y nabibigo kapag ang mga mithiin at mga hangarin sa buhay ay hindi nakakamtan. Hindi lamang tayo ang nakakaranas ng kabiguan. May mga pagkakataon din kung saan tayo naman ang nagdudulot ng kabiguan. Binibigo natin ang Diyos at ang kapwa kapag nagkakasala tayo. Talaga namang may mga pagkakataon kung saan hindi natin maiiwasan ang kabiguan. 

Ang Diyos ay hindi nagdudulot ng kabiguan. Hindi tayo binibigo ng Diyos. Kung tayong mga tao ay nagdudulot ng kabiguan sa Diyos at kapwa, ang Diyos ay hindi nagdudulot ng kabiguan. Laging tapat at totoo ang Panginoon sa mga pangakong Kanyang binitiwan. Kapag tayo naman ay nabigo, maaari natin Siyang lapitan at kapitan. Nakahandang dumamay sa atin ang Diyos. Tutulungan rin tayo ng Diyos na makabangon at makapagsimula muli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento