18 Abril 2017 - Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18
Inihayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ang tunay na Kristo sa Unang Pagbasa. Si Hesus ang Kristong kaloob ng Diyos. Ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang Anak na si Hesus upang maging Kristo. Bilang Kristo, si Hesus ay ang Tagapagligtas ng lahat ng tao. Ang tungkulin ni Hesus bilang Kristo o ang Hinirang ng Diyos ay ang pagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang nagpapatunay na Siya nga ang Kristong Tagapagligtas na ipinagkaloob ng Diyos.
Sa Ebanghelyo, nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay kay Maria Magdalena. Akala ni Santa Maria Magdalena noong una na isa lamang hardinero ang lalaking kanyang nakita sa labas ng libingan ng Panginoong Hesus. Subalit, nang tawagin ng "tagapag-alaga ng halamanan" ang kanyang pangalan, napagtanto niya na ang "hardinero" ay walang iba kundi ang Kristong Muling Nabuhay. Wala nang laman ang libingan sapagkat ang Panginoong Hesus ay tunay ngang muling nabuhay.
Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagpapatunay sa kung sino Siya. Ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang Kristo, ang Anak ng Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Pinatunayan ni Hesus na Siya nga ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw, tulad ng Kanyang sinabi. Tinupad ni Hesus ang lahat ng mga sinabi Niya at ng iba pang mga sinabi ng mga propeta tungkol sa Kanya. Dahil diyan, walang duda na si Hesus ang tunay na Mesiyas at Anak ng Diyos. Kaya, nararapat lamang na tawagin at sambahin si Hesus bilang Panginoon sapagkat Siya ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento