Linggo, Abril 9, 2017

KORDERO NG DIYOS

13 Abril 2017 
Huwebes Santo: Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 



Dalawang kordero ang itinatampok sa mga Pagbasa sa Misa ng Huling Hapunan. Ang unang kordero ay ang kordero sa Lumang Tipan at ang pangalawang kordero naman ay ang kordero sa Bagong Tipan. Sa pamamagitan ng dalawang korderong ito, ipinamalas ang kapangyarihan at kadakilaan ng Awa at Pag-Ibig ng Diyos. At ang Awa at Pag-Ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit iniligtas ng Diyos ang lahat ng tao. Idinulot ng Diyos sa bawat tao ang biyaya ng Kanyang pagliligtas sapagkat makapangyarihan at dakila ang Kanyang walang hanggang Awa at Pagmamahal.  

Isinalaysay sa Unang Pagbasa ng Misa ng Huling Hapunan ang isa sa maraming mga pagkakataong ipinamalas ng Diyos ang Kanyang Awa at Pagmamahal. Hindi na mabilang kung ilang ulit na ipinamalas at ipinadama ng Panginoong Diyos ang Kanyang Awa at Pag-Ibig. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong iniligtas ng Diyos ang bayang Israel mula sa kamatayan sa Ehipto. Iniutos ng Panginoong Diyos sa mga Israelita sa pamamagitan nina Moises at Aaron na pahiran ng dugo ng isang kordero o bisirong kambing ang mga pintuan ng kanilang mga tahanan. Lalampasan ng Panginoong Diyos ang mga tahanang may pahid ng dugo sapagkat ang dugo ng kordero o bisirong kambing ay tanda na Israelita ang nakatira sa mga bahay na iyon. Ililigtas ng Panginoon ang sambayanang Israel mula sa huling salot na Kanyang ipapadala sa Ehipto - ang kamatayan ng bawat panganay na anak. 

Ang bayang Israel ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ng kordero. Isang kordero ang pinatay para sa kaligtasan ng mga Israelita. Nilangpasan ng Diyos ang bawat tahanang may pahid na dugo sa pintuan nito. Walang Israelita na napinsala dahil sa dugo ng kordero na ipinahid sa pintuan ng mga tahanan nila. Ang dugo ng kordero ay naging paalala ng pagliligtas ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng dugo ng kordero, iniligtas at pinalaya ng Diyos ang bayang Israel sa gabi ng unang Paskuwa. Ang gabi ng unang Paskuwa ay isa sa maraming pagkakataon kung saan ipinamalas ng Diyos ang kadakilaan ng Kanyang Awa at Pag-Ibig. 

Muling itinampok ang isa na namang kordero sa Bagong Tipan. Ang korderong ito ay nagmula sa Diyos. Ipinagkaloob ng Diyos ang bagong korderong ito sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng bagong korderong ito, naganap ang pinakadakilang hain. Sa pamamagitan ng korderong ito, iniligtas at pinalaya ng Diyos ang lahat ng tao mula sa kasamaan at kamatayan. Ang korderong ito na kaloob ng Diyos at inihain para sa kaligtasan ng sangkatauhan ay nangangalang Hesus. 

Isa sa napakaraming mga titulo ng Panginoong Hesus ay ang titulo ng Kordero ng Diyos. Ibinigay Niya ang Kanyang buong sarili bilang pinakadakilang handog. Sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang sarili, pinatawad at iniligtas ng Diyos ang lahat ng tao. Sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili ni Hesus, inihayag at ipinamalas sa lahat ang kadakilaan ng Awa at Pag-Ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Dahil sa Awa at Pag-Ibig ng Diyos, pinatawad, iniligtas, at pinalaya ng Diyos ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng pagdurusa at kamatayan ni Hesus, ang Kanyang Misteryo Paskwal. 

Ang pagtatag ni Hesus ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan ay isinalaysay sa Ikalawang Pagbasa. Sa Huling Hapunan, inihandog ni Hesus ang Kanyang sarili sa anyo ng tinapay at alak. Nang ibinahagi ni Hesus ang tinapay at alak, ang tinatanggap ng mga apostol ay hindi na pangkaraniwang tinapay at alak lamang. Bagkus, ang tinapay at alak na tinanggap ng mga apostol ay ang Katawan at Dugo ni Hesus. Hindi lamang isang simbolo o tanda ni Hesus ang tinanggap ng mga apostoles. Bagkus, ang tinatanggap ng mga alagad ay si Hesus na naghain ng Kanyang sarili sa Huling Hapunan sa anyo ng tinapay at alak. Ang utos ni Hesus sa mga alagad - alalahanin Siya sa tuwing sila'y magsasalu-salo. 

Iyan ang ginagawa natin sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Ginugunita ang dakilang paghahain ni Hesus sa Kalbaryo. Si Hesus, na kapiling natin lagi sa Banal na Eukaristiya, ay lagi rin nating inaalala sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ginugunita natin sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ang dakilang Awa at Pag-Ibig ng Diyos na ipinamalas sa lahat sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili ni Hesus. Isinasalaysay at inaalala sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa ang Awa at Pag-Ibig ng Diyos na ipinamalas sa lahat sa pamamagitan ng dakilang paghahain ni Hesus, ang Kordero ng Diyos. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paghugas sa mga paa ng mga apostoles. Bagamat hindi alipin si Hesus, buong kababaang-loob Niyang hinugasan ang mga paa ng mga apostol. Bagamat si Hesus ay ang Panginoon at Guro ng mga alagad, buong kababaang-loob na pinaglingkuran ni Hesus ang mga apostoles. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni Hesus kung bakit Siya naparito sa mundo. Pumarito si Hesus sa sanlibutan upang buong kababaang-loob na maglingkod at mag-alay ng Kanyang buhay para sa kaligtasan ng lahat, ayon sa kalooban ng Ama. 

Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang pagdiriwang ng Banal na Misa, kapiling natin ang Panginoong Hesus sa anyo ng tinapay at alak. Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, ginugunita natin ang dakilang paghahandog ng sarili ni Hesus sa bundok ng Kalbaryo. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, inaalala natin ang dakilang Awa at Pag-Ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa lahat. 

Ang Panginoong Hesus ay ang Kordero ng Diyos. Bilang Kordero ng Diyos, buong kababaang-loob na inihain ng Panginoong Hesukristo ang buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng lahat. Tayong lahat ay iniligtas ni Kristo Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo. Sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo, inihayag ang pagliligtas ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahandog ng Kordero ng Diyos na si Kristo Hesus nang buong kababaang-loob, inihayag sa lahat ang Awa at Pag-Ibig ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento