Biyernes, Abril 14, 2017

LARAWAN NG DAKILANG PAG-IBIG

14 Abril 2017
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42



Tuwing sasapit ang Biyernes Santo, pumapasok ang Simbahan sa hiwaga ng krus ni Kristo. Ang krus ni Kristo ang sagisag ng ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo sa krus, ang sangkatauhan ay tinubos. Ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paghahain ng sarili ni Kristo sa krus dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ang krus ni Kristo ang larawan ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. 

Hinulaan ang paghahain ni Kristo ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Binigyang-diin ni propeta Isaias na ang Mesiyas ay labis na masusugatan dahil sa kasalanan ng bawat tao. Labis ang pagdurusa ng Mesiyas dahil sa mga makasalanan. Dahil sa bigat ng mga kasalanan ng bawat tao, si Kristo'y nagtiis ng matinding hirap at kirot. Ang mga kasalanan natin ang nagdulot ng matinding pagdurusa kay Kristo. Nagpakasakit Siya dahil sa bigat ng ating mga kasalanan. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan si Kristo ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo bilang dakilang saserdote. Isa sa mga titulo ni Kristo Hesus ang titulo ng dakilang saserdote sapagkat hindi pangkaraniwang kordero ang Kanyang inihandog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ang Korderong inihain ni Hesus alang-alang sa sangkatauhan ay ang Kanyang sarili. Inihain ni Hesus ang Kanyang sarili para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Kaya naman, ang Panginoong Hesus ay kilala bilang Kordero ng Diyos at Dakilang Saserdote. 

Inilarawan ni San Juan sa unang bahagi ng kanyang salaysay ng Pasyong Mahal kung paanong ipinagtanggol ng Panginoong Hesus ang mga apostol mula sa mga kawal. Ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga kawal at sinabihan sila na pakawalan ang mga apostol. Siya ang hinahanap ng mga kawal. Kaya, hiniling ni Hesus sa mga kawal na huwag na nilang idamay ang Kanyang mga alagad. 

Sa pamamagitan ng pagpasan ng ating mga kasalanan, ipinamalas at ipinadama ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoong Hesus na akuin at pasanin ang bigat ng ating mga kasalanan. Ipinasiya ni Hesus na mamatay sa krus bilang dakilang hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Inako at pinasan ni Hesus ang kabigatan ng mga kasalanan natin upang tayong lahat ay maligtas at mapatawad. Dumanak ang Kanyang dugo mula sa krus para sa ating kaligtasan. Dumanak ang Kanyang dugo mula sa krus upang magkaroon ng kapatawaran ang ating mga sala. 

Magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tunay at wagas ang Kanyang pagmamahal para sa atin. Magpasalamat tayo sapagkat ipinagkaloob ng Diyos ang Bugtong na Anak Niyang si Hesukristo upang maging ating Tagapagligtas. Magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat inihain ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili upang tayong lahat ay maligtas. Magpasalamat tayo sapagkat tayo'y nagkaroon ng kaligtasan at kapatawaran para sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kabanal-banalang Dugo ng Panginoong Hesukristo na Siyang nagligtas sa ating lahat. 

Ang paghahain ni Hesus sa krus ay ang larawan ng dakilang pag-ibig. Iyan ang larawang nais iguhit ng misteryo ng krus ni Hesus. Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay upang ipakita at ipadama sa ating lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig na mananatili magpakailanman. Pag-ibig ang dahilan kung bakit kusang ibinigay ni Kristo Hesus ang Kanyang sarili bilang handog nang buong kababaang-loob para sa ating lahat. Dahil sa Kanyang-pag-ibig para sa atin, tayong lahat ay tinubos at pinatawad ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento