23 Abril 2017
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Linggo ng Banal na Awa
Mga Gawa 2, 42-47/Salmo 117/1 Pedro 1, 3-9/Juan 20, 19-31
Isang napakahalagang biyaya mula sa Diyos ang Kanyang Awa. Ang Awa ng Diyos ay kailangan ng bawat tao. Labis-labis ang pangangailangan ng sangkatauhan para sa dakilang biyayang ito. Hangarin ng bawat taong namumuhay dito sa sanlibutan ang Awa ng Panginoon. Ang sangkatauha'y puno ng karupukan at kasalanan. Hindi maipagkakaila ang katangiang ito bilang tao. Mga marurupok na makasalanan ang bawat taong namumuhay dito sa mundo. Dahil dito, hindi maipagkakailang labis-labis ang pangangailangan at paghangad ng tao para sa Banal na Awa ng Diyos.
Batid ng Diyos ang matinding pangangailangang ito ng bawat tao. Batid ng Diyos na puno ng karupukan ang lahat ng tao. Batid ng Diyos na mga makasalanan ang lahat ng tao. Batid ng Diyos na walang pag-asa ang tao kung hindi Niya ipapakita o ibubuhos ang Kanyang Banal na Awa. Batid ng Diyos na ang pangangailangang ito'y naging sanhi ng pagsuway nina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden.
Kaya, ang Diyos ay nagbigay ng katugunan sa matinding pangangailangang ito ng bawat tao. Ang tugong ibinigay ng Diyos ay ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay sinugo upang ipamalas sa lahat ng tao ang Awa ng Diyos. Nagkaroon ng kapatawaran ang lahat ng mga kasalanan ng bawat tao sa pamamagitan ng Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ay ipinamalas ng Panginoong Hesukristo sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, ang Misteryo Paskwal.
Ang Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit laging nagtitipun-tipon at nagsasama ang lahat ng mga Kristiyano bilang magkakapatid sa Unang Pagbasa. Lagi silang nagtitpun-tipon at nagsasama-sama bilang magkakapatid upang manalangin at maghati ng tinapay, tulad ng iniutos ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol sa Huling Hapunan. Sa kanilang pagtitipon binibigyan nila ng papuri, pasasalamat, karangalan, at pagsamba ang Diyos na nagpamalas ng Kanyang Banal na Awa sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo.
Si Apostol San Pedro ay nagsalita tungkol sa Awa at Habag ng Diyos na ipinamalas sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo sa Ikalawang Pagbasa. Sinabi ni Apostol San Pedro na ang bawat isa'y binigyan ng isang bagong buhay na puno ng pag-asa dahil sa Awa ng Diyos na ipinamalas sa bawat tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Kahanga-hanga ang gawaing ito ng Diyos. Kaya, marapat lamang na purihin at sambahin ang Diyos dahil sa kahanga-hanga Niyang ginawa sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ipinamalas at ipinadama Niya sa atin ang Kanyang Awa para sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Binigyan tayo ng Diyos ng isang bagong buhay na puno ng pag-asa sa pamamagitan ni Kristo.
Sa Ebanghelyo, dalawang ulit nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa mga apostol. Unang nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa mga apostol noong gabi ng Linggo ng Muling Pagkabuhay. Muling nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa mga apostoles paglipas ng walong araw. Subalit, may isang malaking pagkakaiba sa pangalawang pagpapakita ng Panginoong Muling Nabuhay sa mga alagad. Sa ikalawang pagpapakita ng Panginoong Hesukristo sa mga apostoles, si Santo Tomas Apostol ay kasama ng iba pang mga apostol sa silid. Wala si Tomas noong nagpakita si Hesus sa mga apostoles sa unang pagkakataon. Subalit, noong muling nagpakita ang Panginoong Hesus, kasama na si Apostol Santo Tomas.
Ang Panginoong Hesus ay hindi nagpakita sa mga apostoles nang dalawang ulit upang maghiganti sa kanila. Hindi nagpakita sa kanila upang ipatikim sa kanila ang tindi ng Kanyang galit at poot. Bagkus, nagpakita si Hesus sa mga apostoles pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay upang ihatid sa kanila ang Banal na Awa ng Diyos na nagdudulot ng kagalakan at kapayapaan.
Ang larawan ng Awa ng Diyos ay ang krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, ipinamalas sa lahat ng tao ang Awa ng Diyos. Tayong lahat ay binigyan ng isang bagong buhay na puno ng pag-asa, kagalakan, at kapayapaang kaloob ng Awa ng Diyos. Tayong lahat ay nagkaroon ng kaligtasan at kapatawaran para sa ating mga kasalanan ng Awa ng Diyos na ipinamalas sa lahat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng ating Tagapagligtas, ang Panginoong Hesukristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento