Lunes, Abril 3, 2017

ANG GANTI NG PANGINOON

12 Marso 2017 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Sa Ebanghelyo ngayong Miyerkules Santo, si Hudas Iskariote ay nakipagsabwatan sa mga kaaway ni Hesus. Nakipagkita si Hudas Iskariote sa mga kaaway ni Hesus upang pag-usapan kung paano nila dadakipin si Hesus. Ibebenta at ipagkakanulo ni Hudas Iskariote ang Panginoong Hesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Nakipagpulong si Hudas Iskariote sa mga kaaway ni Hesus upang pag-usapan at pagplanuhan kung paanong madadakip si Hesus. Pumayag si Hudas Iskariote na ipagkakanulo niya si Hesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Ang Mahal na Poong Hesus ay nilagyan ng gantimpala sa ulo - tatlumpung piraso ng pilak. 

Nang dumulog sa hapag, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ng isa sa mga apostoles. Masakit para kay Hesus na malamang isa sa Kanyang mga alagad ang magkakanulo sa Kanya. Tinawag at hinirang ni Hesus ang mga apostol. Ang mga apostol Niyang ito'y malapit sa Kanyang Puso. Nagtagal ang samahan ni Hesus at ng mga alagad sa loob ng mahabang panahon. Tunay na minahal ng Panginoong Hesus ang bawat apostol. Noong malaman ni Hesus na ipagkakanulo Siya ng isa sa mga apostoles, matitiyak nating labis Siyang nasaktan. 

Alam ni Hesus na nakipagsabwatan sa Kanyang mga kaaway si Hudas Iskariote, kahit iyon ay ginawa nila nang palihim. Kahit palihim ang pagpupulong ni Hudas sa Kanyang mga kaaway, alam ng Panginoong Hesus kung ano ang pinag-usapan nina Hudas Iskariote at mga kaaway Niya. Alam ni Hesus kung ano ang kanilang balak. Alam ni Hesus na balak nilang dakipin Siya. Alam ni Hesus na pumayag si Hudas na ipagkanulo at ibenta Siya sa kanila kapalit ng gantimpalang tatlumpung piraso ng pilak. Kahit palihim iyon, alam ni Hesus na naganap iyon. 

Kahit alam ni Hesus na si Hudas ang magkakanulo sa Kanya, hindi Niya pinigilan si Hudas. Hindi pinigilan o hinadlangan ni Hesus si Hudas. Bagkus, si Hudas ay pinakawalan ni Hesus. Hinayaan ni Hesus na gawin ni Hudas kung ano ang dapat niyang gawin. Pinahintulutan ni Hesus na gawin ni Hudas ang kanyang binabalak laban sa Kanya. Sa halip na hadlangan o saktan si Hudas, pinakawalan ni Hesus si Hudas. Pinahintulutan ng Panginoong Hesus na umalis si Hudas Iskariote upang maisagawa niya ang binabalak niya at ng kanyang mga kaaway ni Hesus. 

Binigyang-diin sa propesiya ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung paanong ang nagdurusang lingkod ay hindi tumutol sa kawalan ng katarungan. Nanatiling tahimik ang lingkod na ito noong Siya'y ininsultuhin, binugbog, at pinagdustaan. Hindi Siya tumutol sa mga masasamang balak ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya. Tinupad ang propesiyang ito sa pamamagitan ni Hesus. Alam ni Hesus na may mga nagbabanta laban sa Kanya. Subalit, walang ginawa si Hesus para itigil iyon. Bagkus, buong katahimikan at kababaang-loob Niyang tinanggap ang mga insulto, pandudusta, at pambubugbog ng Kanyang mga kaaway. 

Isinabuhay ni Hesus ang Kanyang mga itinuro. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa Kanyang mga kaaway. Hindi man ito naging madali, ginawa pa rin Niya iyon. Kahit pinagdustaan at kinamuhian Siya ng Kanyang mga kaaway, kahit na Siya'y pinagtulungan ng Kanyang mga kaaway na walang kalaban-laban, hindi Siya naghiganti. Hindi ginantihan ni Hesus ng masama ang Kanyang mga kaaway. Bagkus, pagmamahal ang pagganti ni Hesus sa Kanyang mga kaaway. 

Pag-ibig ang ganti ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga kaaway na gumagawa ng masama laban sa Kanya. Sikapin nating tularan ang halimbawang ipinakita ni Hesus. Mahirap mang gawin ito, kailangan natin itong gawin. Itinuro ni Hesus sa atin na dapat nating mahalin ang ating mga kaaway. Sikapin nating tularan ang Kanyang halimbawa bilang pagtanggap at pagsunod sa Kanyang mga atas.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento