IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34):
"DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?"
Madali bang magpuri sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok sa buhay?
Madali bang manalig sa Diyos sa panahon ng sakuna?
Madali bang manalangin sa Panginoon sa panahon ng ligalig?
Madali bang magpasalamat sa Diyos kapag ika'y bigo?
Madaling magpasalamat sa Diyos kapag ang buhay natin ay masaya. Madaling magpuri sa Diyos kapag maginhawa ang buhay. Madaling manalangin sa Diyos kapag maaayos ang lahat. Madaling manalangin at magpasalamat sa Panginoon kapag nakamit ang tagumpay. Madaling magpasalamat sa Panginoon kapag ang lahat ng mga mithiin sa buhay ay nakamit.
Kung babaliktarin naman natin ang mga sitwasyon, mapapansin natin na hindi madaling manalig sa Diyos. Mahirap manalig sa Panginoon kapag ang buhay ay puno ng kahirapan at kabiguan. Mahirap para sa atin na kumapit at manalig sa Diyos sa panahon ng matitinding pagsubok. Mahirap magpasalamat sa Diyos sa mga sandali ng kapighatian at sakit.
Mga matitinding sakuna katulad ng mga lindol sa Bohol at Cebu at ang Bagyong Yolanda na tumama sa Leyte tatlo't kalahating taon na ang nakalipas. Nitong mga nakaraang araw, nagkaroon ng mga malalakas na lindol sa lalawigan ng Batangas. Mga seryosong sakit at karamdaman, katulad ng kanser at HIV/AIDS. Kawalan ng mga mahal sa buhay. Kasawian, kabiguan sa buhay pag-ibig. Mga pagkakataon sa buhay kung saang mahirap manalig at manalangin sa Diyos.
Habang nakabayubay sa krus, malakas na sumigaw si Hesus. Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan? Ang ikaapat na salitang ito ni Hesus mula sa krus ay hindi salita ng isang taong nawawalan ng pag-asa. Bagkus, ang ikaapat na wika ni Hesus ay ang mga unang kataga ng Salmo 22. Ang Salmo 22 ay isang awit-panalangin na dinadasal sa panahon ng matitinding pagsubok.
Ano naman ang laman ng panalanging ito ni Hesus? Si Hesus ay nanalangin para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, tayong lahat ay ipinagdasal ni Hesus. Tayong lahat ay ipinagdasal ng Panginoong Hesus upang ipakita sa bawat isa sa atin kung gaano Niya tayo kamahal. Kahit ilang ulit nating sinusugatan ang Mahal Niyang Puso sa pamamagitan ng ating mga kasalanan, patuloy Niya tayong iniibig. Si Hesus, ang Tagpamagitan ng Amang Diyos at ng tao, ay nagdasal nang buong kataimtiman para sa ating lahat.
Ipinakita ni Hesus sa wikang ito na ang pinakamabisang sandata sa mga oras ng pagsubok ay ang panalangin. Bagamat mahirap gawin sa panahon ng pagsubok, ang pananalangin ang pinakamabisang sandata sa mga oras ng kagipitan. Kapag tayo'y nananalangin nang buong kataimtiman, mararamdaman natin ang Awa at Pagmamahal ng Diyos. Ang Awa at Pagmamahal ng Diyos ang magbibigay sa atin ng panibagong lakas. Ang Awa at Pag-Ibig ng Diyos ang tutulong sa atin na buuin muli ang ating pananalig sa Diyos. Ang Awa at Pagmamahal ng Diyos ang tutulong sa atin na bumangon, lampasan, at pagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay. Ang Awa at Pag-Ibig ng Diyos ang aayos ng lahat ng bagay.
Sa mga panahon ng pagsubok, lumapit tayo sa Diyos. Kumapit tayo sa Diyos. Oo, hindi madaling gawin ito sa mga sandali ng kagipitan. Subalit, kahit mahina ang pananalig natin sa Diyos sa mga oras na iyon, sa Kanya tayo lumapit at kumapit. Ang Diyos na ating Sanggalang at Tagapagligtas ang tutulong sa atin sa mga oras ng matitinding pagsubok sa buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento