20 Abril 2017 - Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48
Inihayag ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa na ang Pinagmumulan ng buhay na si Kristo Hesus ay pinatay ngunit muling binuhay ng Diyos. Pinatay na walang kalaban-laban si Hesus. Ang Kanyang kamatayan ay puno ng dahas at dugo. Siya'y pinagkaisahan, pinagtulungan ng Kanyang mga kaaway. Binalak pang panatilihing nakalibing si Hesus. Subalit, pagsapit ng ikatlong araw, bumangon si Hesus mula sa libingan nang matagumpay at muling nabuhay. Pinatay si Kristo Hesus, subalit muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad ng Kanyang ipinangako.
Ang salaysay ng pagpapakita ng Panginoong Muling Nabuhay sa mga apostol ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Isinalaysay kung paanong nagpakita si Kristo sa mga alagad. Natakot sila at nag-alinlangan, sapagkat ang akala nila noong una'y isang multo ang kanilang nakikita. Subalit, ipinakilala ng Panginoon ang Kanyang sarili. Hatid Niya sa kanila'y kapayapaan. Pinahintulutan at inaanyayahan din ni Kristo na Siya'y hawakan ng mga apostol upang maniwala sila na hindi multo ang kanilang nakikita kundi ang Panginoong Muling Nabuhay.
Nagbigay rin ng paliwanag si Kristong Muling Nabuhay sa mga apostol tungkol sa mga pangyayaring naganap. Batid ni Kristo na hindi nauunawaan ng mga apostol ang mga kaganapan. Alam ni Kristo na mahirap para sa mga alagad na intindihin nang mabuti ang lahat ng mga pangyayari. Kaya, ipinaliwanag ni Kristo sa kanila kung bakit nangyari ang mga iyon. Paliwanag ni Kristo, ang lahat ng mga naganap ay hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Tinupad ng Panginoong Hesukristo ang lahat ng mga hinulaan ng mga propeta ng Matandang Tipan ukol sa Kanya.
Pinatay nang walang kalaban-laban si Hesus. Walang awang binugbog at pinatay ang Panginoong Hesus. Subalit, Siya'y hindi nanatili sa libingan. Hindi nagtapos ang lahat para sa Panginoong Hesus sa Kanyang madugong kamatayan, puno ng karahasan. Bagkus, Siya'y muling nabuhay sa ikatlong araw. Ang Kanyang Muling Pagkabuhay ang huling yugto ng Kanyang misyon. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, nakamit Niya ang maluwalhati Niyang tagumpay.
Walang awang pinatay ang Panginoong Hesukristo. Ngunit, hindi Siya nanatiling patay. Bagkus, sa ikatlong araw, Siya'y muling nabuhay. Pinatay si Hesus, ngunit Siya'y muling nabuhay, gaya ng Kanyang ipinangako sa lahat. Iyan ang Mabuting Balitang sinasampalatayanan at ipinapalaganap sa lahat bilang mga Katoliko. Ito ang ating pinahahalagahang mabuti sapagkat ang katotohanang ito ang sukdulan ng ating pananampalataya na galing sa mga apostol.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento