IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28):
"NAUUHAW AKO!"
Hindi lamang pisikal ang pagkauhaw ng tao. Mayroong iba't ibang kinauuhawan ang tao, bukod sa pisikal na pagkauhaw. Nauuhaw ang tao para sa tagumpay, pag-ibig, paggalang, kaginhawaan, at maraming iba pa. Gagawin ng tao ang lahat para mapawi ang pagkauhaw na iyon. Napakatindi ng pagkauhaw ng tao. Hindi lamang tubig ang lunas sa pagkauhaw ng tao.
May ilan mga taong uhaw na naghahanap ng mga pamatid-uhaw sa mga maling lugar. Halimbawa, ang mga taong uhaw sa pag-ibig. May mga taong uhaw sa pag-ibig na naghahanap ng tunay na pag-ibig sa pornograpya. Hahanap ng pag-ibig sa pakikipagtalik. Makikipagtalik nang hindi pa ikinakasal. Makikipagtatalik sa mga hindi nila kabiyak. Hindi pag-ibig ang tawag diyan kundi libog, pagnanasa. Hindi tunay na pag-ibig iyan kundi pagnanasa. Isa pang halimbawa, ang mga uhaw para sa kaginahawaan. May mga ilan nagdodroga sapagkat paniwala nila'y giginhawa't luluwag ang kanilang pakiramdam. Hindi totoo iyan! Masisira lamang ang buhay ng tao kapag siya'y gumamit at umabuso ng pinagbabawal na droga.
Saan tayo makakahanap ng pamatid-uhaw? Ano ang makakapawi sa mga matindi nating pagkauhaw? Ang Panginoong Hesukristo ay ang tunay na tagapawi ng mga matitinding pagkauhaw ng tao. Siya lamang ang makakapawi ng mga matitinding pagkauhaw natin. Batid ni Hesus ang ating mga pangangailangan. Batid Niya ang ating pagkauhaw. Siya lamang ang nakababatid sa ating mga pagkauhaw.
Paanong tinugon ni Kristo ang pagkauhaw ng tao? Buong kababaang-loob Siyang bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao. Ibinigay ni Kristo ang Kanyang buong sarili bilang handog. Inalay Niya ang Kanyang sarili para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Inihain Niya ang Kanyang buhay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang Panginoon, ang Tubig na nagbibigay-buhay, ay nag-alay ng Kanyang sarili upang ang sangkatauha'y magkaroon ng daan patungo sa Diyos.
Ang ikalimang wika na namutawi mula sa bibig ni Hesus mula sa krus ay tungkol naman sa Kanyang pagkauhaw. Subalit, hindi inilalarawan ni Hesus sa wikang ito ang pisikal Niyang pagkauhaw. Tayong lahat ang Kanyang kinauuhawan. Uhaw si Hesus para sa ating pananalig at pagmamahal sa Kanya.
Paano nating mapapawi ang pagkauhaw ng Panginoong Hesus? Mapapawi natin ang pagkauhaw ni Hesus sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. Magbigay tayo ng limos sa mga kapus-palad. Ibahagi ang Awa ng Diyos sa kapwa, lalo na sa mga maralita. Ang Panginoong Hesus mismo ang nagsabi, "Anumang gawin ninyo para sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ito ang ginagawa ninyo para sa Akin." (Mateo 25, 40)
Tumugon ang Panginoong Hesukristo sa pagkauhaw ng tao para sa kaligtasan at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay para sa ating lahat. Hinahamon tayo ni Kristo na tularan ang Kanyang halimbawa. Hinahamon tayo ni Hesus na pawiin ang Kanyang pagkauhaw. Hinahamon tayo ni Hesus na tumugon sa Kanyang pagkauhaw. Kung paanong pinawi ni Kristo ang ating pagkauhaw, gayon din naman, pawiin rin natin ang Kanyang pagkauhaw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento