17 Abril 2017 - Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15
Walong araw ang inilalaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ang pinakadakilang Kapistahan sa lahat ng mga Kapistahan sa kalendaryo ng Simbahan. Walang kapistahang hihigit pa sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ito ang rurok at buod ng ating pananampalatayang Kristiyano. Ito ang nagbibigay-saysay sa pananampalataya natin. Sabi nga ni Apostol San Pablo, hindi magkakaroon ng kabuluhan ang ating pananampalataya kung si Kristo Hesus ay hindi nabuhay na mag-uli. Kaya, nararapat lamang na maglaan ng isang linggong pagdiriwang para mas lalo tayong pumasok sa misteryo ng Muling Pagkabuhay.
Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay tunay at totoo. Hindi ito isang kathang-isip lamang. Kung ito'y isang kathang-isip lamang, walang saysay ang pagkamartir ng mga apostol at ang misyon ng Simbahan. Magtatago lamang ang mga apostoles sa silid na kanilang pinagtitipunan. Maaaring may mga ilan na babalik sa dati nilang pamumuhay bago nila nakilala ang Mahal na Poong Hesus.
Masugid na ipinangaral ni Apostol San Pedro sa harap ng kanyang mga kababayan kung paanong namatay at muling nabuhay si Hesus sa Unang Pagbasa. Si Apostol San Pedro ay nangaral tungkol sa Panginoong Hesukristo nang buong katapangan, kahit ang kapalit nito'y kamatayan. Dati, noong si Hesus ay dinakip at sinakdal ng Kanyang mga kaaway, Siya'y tatlong ulit na ipinagkaila ni Apostol San Pedro dahil sa tindi ng takot ng apostol. Subalit, nagbago ang lahat magmula noong ang Mahal na Poong Hesus ay muling nabuhay. Puspos ng Espiritu Santo, ipinangaral ni San Pedro Apostol ang Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus, kahit ang kapalit noon ay ang kanyang sariling kamatayan.
Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong sinuhulan ng mga kaaway ni Hesus ang mga kawal na nagbantay sa libingan. Binalak panatilihing patay si Hesus. Subalit, hindi nanatiling patay si Hesus. Bagkus, si Hesus ay muling nabuhay pagsapit ng ikatlong araw, gaya ng Kanyang sinabi. Dahil wala nang laman ang libingan, ang mga kawal ay sinuhulan ng mga kaaway ng Panginoong Hesus upang ipalaganap ang kasinungaling ninakaw ng mga disipulo ang bangkay ni Hesus.
Subalit, ang kasinungalingang ito ay hindi nagtagumpay. Hindi nila napigilan ang mga apostol sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo Hesus sa iba't ibang dako. Bagkus, ipinalaganap nila ang Mabuting Balita tungkol sa kaligtasang kaloob sa lahat ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus, kahit ang kapalit noon ay ang sarili nilang kamatayan. Ito ang pinaniniwalaan at sinasampalatayanan ng Simbahan hanggang ngayon.
Tunay at totoo ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Napakahalaga ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus sa ating pananampalataya. Ito ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating pananampalataya. Kung kathang-isip lamang, kung huwad ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon, ang pananampalataya natin ay walang kabuluhan. Wala tayong Simbahan at hindi tayo maliligtas kung hindi muling nabuhay ang Panginoong Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento