10 Abril 2017
Lunes Santo
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11
Ipinakilala ng Diyos sa Unang Pagbasa ang dakilang lingkod na Kanyang pinili't kinalugdan. Puspos ng kababaang-loob at kahinahunan ang lingkod na ito. Hindi Siya mapagmataas o mayabang. Bagkus, Siya'y mapagpakumbaba at mahinahon. Ibinibigay Niya ang kanyang buong puso't sarili sa Diyos para sa ikaluluwalhati ng Kanyang Pangalan. Wala Siyang ibang hangarin kundi ang katuparan ng kalooban ng Diyos. Anuman ang utos o loobin ng Panginoon, tatanggapin at susundin Niya ito nang buong puso. Ang pahayag na ito'y natupad sa pamamagitan ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus, ang tunay na liwanag.
Sa Ebanghelyo, binuhusan ng pabango ang mga paa ni Hesus. Mamahalin ang pabangong ibinuhos ni Mariang taga-Betania sa mga paa ni Hesus. Binatikos siya ng mga apostoles, lalung-lalo na ni Hudas Iskariote, at ng iba pang mga panahun sa bahay na iyon nang maamoy nila ang halimuyak ng pabango. Subalit, si Hesus ang nagtanggol kay Mariang taga-Betania. Batid ni Hesus kung ano ang nilalaman ng puso ni Santa Mariang taga-Betania.
Bakit ipinagpasiya ni Maria na bumili ng mamahaling pabango para sa mga paa ni Hesus? Maaari naman siyang bumili ng murang pabango. Subalit, sa dinami-dami ng mga pabangong maaaring bilhin, lalung-lalo na ang mga mas mura, bakit yung pinakamahal pa ang binili ni Maria? Bakit niya ginastos ang lahat para lang maibili ang pinakamamahaling pabango para kay Hesus? Ano ang nakita ni Santa Mariang taga-Betania sa Panginoong Hesus?
Kay Hesus nakita ni Mariang taga-Betania ang tanglaw ng Tagapagligtas. Nakilala ni Maria ang tunay na liwanag sa pamamagitan ni Hesus. Nakilala ni Maria na si Hesus ang ipinangakong Manunubos. Nakita ni Maria ang Diyos na pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao upang iligtas ang bawat tao sa pamamagitan ni Hesus. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, nakita ni Santa Mariang taga-Betania ang dakilang Awa't Pagmamahal ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat.
Ang Diyos ang nagdudulot ng kaliwanagan at kaligtasan. Pumanaog Siya sa lupa at nagkatawang-tao upang magdulot ng liwanag at kaligtasan sa lahat. Ang liwanag at kaligtasang dulot ng Diyos ay ipinamalas sa pamamagitan ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng Panginoon at Tagapagligtas ng tanan na si Kristo Hesus, namalas ng lahat ang kapangyarihan at kadakilaan ng kahanga-hangang Awa't Pag-Ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento