Linggo, Marso 26, 2017

KABABAANG-LOOB AT KATAHIMIKAN

9 Abril 2017 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (A) 
Sa Prusisyon ng Palaspas: Mateo 21, 1-11 
Sa Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54) 



Kapakumbabaan at katahimikan. Ito ang mga katangiang ipinamalas ni Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Mula noong Siya'y pumasok sa Herusalem hanggang sa Kanyang karumal-dumal na kamatayan sa krus, si Hesus ay naging mapagpakumbaba at tahimik. Buong kababaang-loob at katahimikan na naging masunurin sa kalooban ng Ama ang Panginoong Hesus. Bagamat masakit para sa Kanya, niloob ng Diyos na ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus ay maging hain ng Kanyang buhay sa Kalbaryo para sa kaligtasan ng sangkatauhan at para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 

Ang mga taong sumalubong sa Kanya noong Siya'y pumasok nang matagumpay sa lungsod ng Herusalem ay napakaingay. Sumisigaw sila ng "Osana!" at "Mabuhay!" Winawagayway nila ang kanilang mga palaspas. Nilalatag nila ang kanilang mga balabal sa daraanan ni Hesus. Sila'y nagbigay-pugay at nagbunyi kay Kristo. Pero, sa kabila ng mga malalakas na sigaw ng papuri at parangal mula sa taong-bayan, si Hesus ay nanatiling tahimik at nakatuon ang pansin sa kalooban ng Ama. 

Ilang araw ang lumipas, muling sumigaw nang malakas ang mga tao. Subalit, iba na ang sigaw ng mga tao para kay Hesus. Sa halip na mga sigaw ng pagbubunyi at pagpupuri ang namutawi mula sa mga bibig ng mga tao, mga sigaw ng kamuhian ang lumabas. Isang araw, noong pumasok nang matagumpay sa lungsod si Hesus, Siya'y pinuri at pinarangalan ng mga tao. Subalit, noong iniharap ni Poncio Pilato si Hesus, Siya'y kinamuhian at pinagdustaan ng taong-bayan. Hiniling ng taong-bayan kay Pilato na bitayin si Hesus. Alam ni Hesus na mangyayari ang lahat ng iyon. Subalit, hindi Siya kumibo noong Siya'y kinutya at kinamuhian ng madla. Si Hesus ay nanatiling mapagpakumbaba, maamo, at tahimik.

Sa pamamagitan ng kababaang-loob at katahimikan ng Panginoong Hesukristo, ang mga hula ng mga propeta sa Matandang Tipan tungkol sa Mesiyas ay natupad. Noong Siya'y pumasok nang matagumpay sa Herusalem, natupad ang hinulaan ni propeta Zacarias na buong kababaang-loob darating ang Hari ng Sion, nakasakay sa isang asno. Si Hesus ay nakasakay sa isang bisirong asno sa Kanyang pagpasok sa Herusalem. Hindi Siya sumakay ng anumang kabayo. Bagkus, pinili ni Hesus na sumakay sa isang asno upang ipakita ang Kanyang kababaang-loob. Natupad rin ang propesiya ni propeta Isaias tungkol sa pagdurusa ng lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus. Sa kabila ng pambubugbog at panlalait ng Kanyang mga kaaway, nanatiling tahimik at mababang-loob si Hesus. 

Bakit nanatiling tahimik at mababa ang loob ng Panginoong Hesus sa kabila ng lahat ng ito? Nakatuon ang pansin ni Hesus sa kalooban ng Ama. Walang ibang hinangad si Hesus kundi ang katuparan ng kalooban ng Ama. Walang ibang nais bigyang-lugod ang Mahal na Poong Hesus kundi ang Ama. Kaya, pinili ni Hesus na tumalima sa kalooban ng Ama. Bagamat marami ang tumutol dito, katulad ni Apostol San Pedro, pinanindigan ni Hesus ang Kanyang pasiya. Ipinasiya Niyang tumalima sa kalooban ng Ama. Kaya nga, ang mga salitang ito ay namutawi mula sa mga labi ni Hesus sa Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemani, "Hindi ang kalooban Ko kundi ang kalooban Mo ang masunod" (Mateo 26, 39).

Tahimik na tiniis ni Hesus ang lahat ng paghihirap sa Kanya. Buong kababaang-loob at katahimikang tiniis ni Hesus ang lahat ng panlalait at pananakit. Walang kalaban-laban Siyang kinutya at binugbog. Ang lahat ng pasakit ay tiniis ni Hesus nang buong kababaang-loob at katahimikan. Tinanggap at niyakap Niya ang lahat ng hirap at pagdurusa upang matupad ang kalooban ng Ama. Bagamat iniwan at tinalikuran Siya ng karamihan, lalo na ng Kanyang mga alagad (maliban na lang kay Apostol San Juan), pinili ni Hesus na manatiling masunurin sa kalooban ng Ama hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus. Sa pamamagitan ng pagtupad sa kalooban ng Ama, ipinamalas ni Kristo ang tagumpay ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbibigay-katuparan sa kalooban ng Ama, ipinamalas kung gaano kadakila ang Awa at Pagmamahal ng Diyos para sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento