Lunes, Marso 13, 2017

BUONG PUSONG PANANALIG AT PAGTALIMA SA KALOOBAN NG PANGINOON

20 Marso 2017 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 



Dalawang katangian ang nais ilarawan sa atin ng mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ni San Jose, ang Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birheng Maria at Ama-Amahan ng Panginoong Hesukristo - pananalig at pagtalima sa Diyos. Ang Diyos ay dapat panaligan ng lahat. Dapat tayong manalig sa Diyos. Anuman ang nais ng Diyos mangyari, ito ang dapat maganap. Siya ang makapangyarihan sa lahat, Siya ang dakilang Tagalikha at Tagapagligtas ng lahat. Sa Kanya umiikot at umiiral ang lahat ng bagay. Mapangyayari ng Diyos ang Kanyang mga niloloob. Ang Kanyang mga naisin ay nagdudulot ng kabutihan para sa tanan. Kaya, nararapat lamang na buong pananalig tayong tumalima sa kalooban ng Diyos. 

Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa pangako ng Diyos kay Haring David. Nangako ang Diyos na isang dakilang hari ang magmumula sa angkan ni David. Siya ang Mesiyas na Tagapagligtas. Ilang ulit na inihayag ng Diyos sa Matandang Tipan sa bayang Israel na ipapadala Niya ang Mesiyas. Ipagkakaloob ng Diyos ang Mesiyas sa bayang Israel bilang kanilang Manunubos. Tulad ng kanyang mga kababayang Hudyo, si San Jose ay nanalig at umasa sa pangako ng Panginoon. Buong pusong nanabik sina San Jose at ang iba pang mga Hudyo para sa pagdating ng Mesiyas. 

Subalit, nang malaman ni San Jose na mayroon siyang papel na gagampanan sa buhay ng Mesiyas, siya'y namangha at nanliit. Hinirang siya ng Panginoon upang maging tagapag-alaga, ama-amahan ng Mesiyas dito sa lupa. Hindi maunawaan ni San Jose kung bakit hinirang ng Diyos ang isang tulad niya, isang karaniwang karpintero, upang maging ama-amahan ng Tagapagligtas. Kamangha-mangha at napakalalim ang kalooban ng Diyos. Napakalalim na kung kaya'y hindi madaling himayin at unawain agad-agad. May mga limitasyon ang karunungan ng tao. Para sa mga tao, mahirap unawain ang kalooban ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, napuno ng mangha si San Jose dahil sa inilahad ng anghel sa kanyang panaginip. Hinirang siya ng Diyos upang maging tagakupkop, ama-amahan ng Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat na si Hesus. Hindi sukat akalain. Kamangha-mangha. Napakalalim. Makikita nating napuno ng mangha si San Jose sa inihayag ng anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip, bagamat hindi siya nagsalita. Mangha ang naghari sa kanya nang marinig niya ang plano ng Diyos. 

Kahit napakalalim, kamangha-mangha, at hindi madaling unawain ang kalooban ng Diyos, ibinigay ni San Jose ang kanyang pananalig sa Diyos. Dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, buong puso siyang tumalima sa kalooban ng Diyos. Tahimik na sumunod si San Jose sa utos ng Diyos. Agad siyang sumunod sa utos ng Diyos na inilahad ng anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip. Ipinakita ni San Jose ang kanyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa Kanyang kalooban. Tinupad ni San Jose ang kanyang papel sa plano ng Diyos. 

Isinalaysay ni Apostol San Pablo ang kwento ng pananampalataya ni Abraham sa Ikalawang Pagbasa. Katulad ni Abraham na nanalig sa kalooban ng Diyos, kahit sa mata ng mundo'y wala na siyang pag-asang magkaanak, si San Jose ay nanalig sa Diyos. Hindi nawala ang pananalig ni San Jose sa Diyos. Hindi nawalan ng tiwala sa Diyos si San Jose, kahit mahirap unawain ang Kanyang kalooban. Katulad ni Abraham, ibinigay ni Jose ang kanyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos nang buong kataimtiman at katahimikan, gaano mang kahirap isaisip dahil sa sobrang lalim ng hiwagang ito. 

Huwaran ng pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos si San Jose. Bagamat mahirap unawain at saliksikin ang kalooban ng Diyos, hindi nawalan ng pananalig si San Jose. Buo pa rin ang tiwala ni San Jose sa Diyos. Tahimik niyang tinanggap at tinalima ang kalooban ng Diyos. Tiyak na mayroon siyang katanungan tungkol sa misteryong ito, subalit hindi ito naging hadlang upang yakapin at sundin ang kalooban ng Diyos at tahakin ang landas ng kabanalan. Kaya ngayon, itinatampok at pinaparangalan siya ng Simbahan bilang isang dakilang Santo. 

Tulad ni San Jose, ibigay natin ang ating buong pusong pananalig sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang kalooban. Hindi man madaling unawain o sundin ang kalooban ng Diyos, tanggapin at sundin natin ito nang buong pusong pananalig sa Diyos. Pagpapalain ng Diyos ang sinumang tumanggap at tumalima sa Kanyang kalooban taglay ang buong pusong pananalig sa Kanya. Sapagkat ang pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Diyos ay pagpapahayag ng ating papuri, pananalig, at pagsamba sa Kanya na puspos ng Awa, Pag-Ibig, at kadakilaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento