Linggo, Marso 26, 2017

BUHAY: BIYAYANG KALOOB SA BAWAT ISA DAHIL SA AWA NG DIYOS

2 Abril 2017 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A) 
Ezekiel 37, 12-14/Salmo 129/Roma 8, 8-11/Juan 11, 1-45 (o kaya: 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45) 


Ang buhay natin ay galing sa Diyos. Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay. Siya ang bukal ng buhay. Isang biyaya mula sa Diyos ang buhay. Ang biyaya ng buhay, napakahalaga. Ito'y isang regalo mula sa Diyos. Ito ang biyayang ating tinatanggap mula sa Kanya. Hindi kontrolado ng sinumang tao dito sa daigdig ang buhay niya. Hindi nating pag-aari ang ating buhay dito sa mundo. Ang Diyos ang may-ari ng buhay. Nagmumula sa Kanya ang buhay. Ipinagkakaloob Niya ito sa atin. Tayo'y mga tagapangasiwa lamang ng biyayang ito. 

Ito ang nais ipahiwatig ng mga Pagbasa ngayon. Iisa lamang ang nais ilarawan ng mga Pagbasa. Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni proepta Ezekiel sa Unang Pagbasa na ang Kanyang hininga ay nagdudulot ng buhay sa bawat tao. Iyan ang ginawa ng Diyos noong nilikha Niya si Adan mula sa alabok. Si Adan ay hiningahan ng Diyos at siya'y nagkaroon ng buhay. Ito rin ang nais ipahiwatig ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Espiritu ng Diyos, ang hininga ng Diyos, ang Siyang nagbibigay ng buhay sa ating lahat. Hinihingahan ng Diyos na bukal ng buhay ang bawat tao upang magkaroon ng buhay. 

Sa Ebanghelyo, si Lazaro ay muling binuhay ni Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang Anak ng Diyos na Siyang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo ang bumuhay kay Lazaro. Si Lazaro ay bumangon at lumabas mula sa libingan dahil kay Hesus. Pumarito si Hesus upang magbigay-buhay sa lahat. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang bawat isa'y nagkaroon ng bagong buhay. Ang buhay na kaloob ni Kristo Hesus ay isang buhay na ganap at kasiya-siya (Juan 10, 10). 

Biyaya mula sa Diyos ang ating buhay. Tayong lahat ay hiningahan ng Panginoon upang bigyan ng buhay. Patuloy tayong hinihingahan ng Maykapal upang tayo'y bigyan ng buhay. Kung hindi dahil sa Mahal na Poon, wala tayong buhay. Hindi tayo mabubuhay o makakahinga ngayon kung hindi dahil sa Poong Maykapal na lumikha sa bawat isa sa atin. 

Nakakapanliit isipin kung bakit tayo'y ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa atin ang biyaya ng buhay. Bakit nga ba tayo binigyan ng buhay? Hindi ba Niya batid na may mga pagkakataong aabusuhin natin ang ating mga sarili? Hindi ba alam ng Diyos na may mga pagkakataong gagawa tayo ng masama? Hindi ba batid ng Diyos na may mga pagkakataong sumusuko tayo sa ating mga karupukan? 

Oo. Batid ng Diyos na tayo'y marurupok. Nasisiguro natin na batid ng Diyos ang ating mga kahinaan. Subalit, bakit nga ba tayo ng buhay sa kabila ng ating mga karupukan? Bakit sa atin ipinagkatiwala ang napakahalagang biyayang ito? Ito ay dahil sa Kanyang Awa at Pag-Ibig. Ang Awa at Pagmamahal ng Diyos ang dahilan kung bakit ipinagkaloob sa atin ang biyaya ng buhay. Patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng buhay upang tayong lahat ay magbagong-buhay at magsimula muli. Tayo'y binibigyan ng pagkakataong maranasan kung gaano kadakila ang Kanyang Awa at Pag-Ibig. Patuloy tayong kinahahabagan at iniibig ng Diyos, sa kabila ng ating mga karupukan bilang mga taong naglalakbay sa lupang ibabaw. 

Ang buhay natin ay nagmumula sa Diyos. Siya ang bukal ng buhay. Siya lamang ang maaaring magbigay at bumawi ng buhay. Siya ang nagkakaloob ng buhay na ganap at kasiya-siya. Mga katiwala lamang tayo ng napakahalagang biyayang ito. Bakit ipinagkakatiwala ito ng Diyos sa atin, sa kabila ng ating karupukan? Dahil sa Kanyang Habag at Pagmamahal para sa atin. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng buhay sa atin, ipinapadama sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa at Pagmamahal na dakila at walang kapantay para sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento