19 Marso 2017
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A)
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5, 1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42)
Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma ang pagtugon ng Diyos sa ating mga pangangailangan. Batid ng Diyos kung ano ang mga kailangan natin. Hindi Niya tayong pababayaang masiphayo. Hindi Niya tayo pababayaan. Bagkus, ipagkakaloob sa atin ng Panginoong Diyos ang ating mga pangangailangan. Sa pamamagitan nito, pinapatunayan ng Diyos na Siya'y mapag-aruga, puspos ng Awa at Habag para sa ating lahat.
Ang mga Israelita'y nagreklamo kay Moises sa Unang Pagbasa sapagkat sila'y uhaw na uhaw. Matindi ang kanilang pagkauhaw sapagkat wala silang tubig na maiinom. Naglalakbay pa sila sa disyerto. Kaya, dahil sa tindi ng kanilang galit, sinumbatan nila si Moises at ibig nilang batuhin siya. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay kanilang sinubukan. Subalit, batid ng Diyos ang pangangailangan ng mga Israelita. Kaya, iniutos ng Panginoong Diyos kay Moises na hampasin ang malaking bato sa Horeb at bubukal ang tubig. Sinunod ni Moises ang sinabi ng Panginoon at bumukal nga ang tubig mula sa bato.
Hindi lamang mga pisikal na pangangailangan ang batid ng Diyos. Bagkus, batid rin ng Diyos ang ating mga espirituwal na pangangailangan. Alam Niya kung ano ang mga pisikal at espirituwal na pangangailangan ng bawat isa. Ipagkakaloob rin ng Diyos ang ating mga pangangailangan. Hindi Siya nanlalamig sa atin mula sa kalayuan. Bagkus, malapit ang Diyos sa atin, at tayo'y Kanyang kinakalinga. Lagi Niya tayong sinasamahan at dinadamayan sapagkat tayo'y Kanyang inaaruga at iniirog bilang mga anak Niyang ginigiliw.
Inilahad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tunay na dahilan kung bakit isinugo ang Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Ang Panginoong Hesus ay isinugo ng Ama upang ihain ang Kanyang buhay para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sangkatauhan. Batid ng Diyos na ang sangkatauha'y nangailangan ng isang Tagapagligtas. Dahil sa pagkalugmok ng tao sa kasalanan, ang tao'y naging alipin ng kasalanan. Binihag ng kasamaan at kasalanan ang sangkatauhan. Kaya, isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus upang maging Manunubos ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buhay sa krus sa Kalbaryo. nagkaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan ng bawat tao. Sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo Hesus, pinalaya ang sangkatauhan mula sa pagkabihag sa kapangyarihan ng kasalanan.
Sa Ebanghelyo, nakipag-usap si Hesus sa isang babaeng Samaritana sa balon ni Jacob. Sa Kanyang pakikipagtalastas sa babaeng Samaritana, inihayag ni Hesus na bilang Diyos, batid Niya kung ano ang kailangan ng bawat tao. Batid Niya ang kinauuhawan ng bawat tao. Batid Niya ang mga pangangailangan ng bawat tao. Siya lamang ang makakapagkaloob sa pangangailangan ng bawat tao. Siya lamang ang makakapawi sa iba't ibang uri ng pagkauhaw ng tao. Sa pamamagitan nito, pinapawi ni Hesus ang pagkauhaw ng bawat tao. Ang lahat ng uri ng pagkauhaw ay mapapawi ni Hesus. Si Hesus ang tagapawi ng lahat ng uri ng pagkauhaw.
Batid ng Diyos ang mga pangangailangan ng bawat tao. Subalit, hindi dinededma ng Diyos ang ating mga pangangailangan. Bagkus, Siya'y tumutugon sa ating mga pangangailangan. Ipinagkakaloob Niya sa atin kung ano ang ating mga kailangan. Hindi ipagkakait sa atin ng Diyos ang mga ito. Bagkus, kusa Niya itong ibibigay sa ating lahat. Hindi pusong bato ang Puso ng Diyos. Ang Puso ng Diyos ay isang puso na puno ng Awa at Pag-Ibig para sa ating lahat. Laging ipinapakita sa atin ng Diyos ang Kanyang Sagradong Pusong puno ng Awa at Pagmamahal para sa ating lahat sa pamamagitan ng pagtugon sa ating mga pangangailangan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento