Sabado, Pebrero 25, 2017

ANG KALOOBAN NG DIYOS

12 Marso 2017
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A) 
Genesis 12, 1-4a/Salmo 32/2 Timoteo 1, 8b-10/Mateo 17, 1-9 



Ang mga Pagbasa ngayong Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda ay tungkol sa kalooban ng Diyos. Mahirap para sa atin na sumunod sa kalooban ng Diyos, lalung-lalo na kapag magkaiba ito sa ating mga niloloob. Mahirap sundin ang kalooban ng Diyos kapag mayroon tayong mga sariling plano na gusto nating matupad. Subalit, ang kalooban ng Diyos ay nararapat lamang matupad sapagkat ito ay puno ng kabanalan at kadakilaan. Sabi nga sa panalanging itinuro ng Mahal na Poong Hesus, "Sundin ang loob Mo." (Mateo 6, 18)

Tampok sa Unang Pagbasa ang salaysay ng pagtawag at paghirang ng Panginoon kay Abram. Hinirang ng Panginoong Diyos si Abram upang maging ama ng isang napakalaking sambayanan. Sa kanyang angkan magmumula ang isang bayan. Ang tungkuling ito ay hindi madali para kay Abram. Hindi madali para kay Abram na sumunod sa kalooban ng Diyos. Subalit, buong pananalig na tumalima si Abram sa kalooban ng Diyos. Pinahintulutan niyang magkaroon ng katuparan ang naisin ng Diyos sa pamamagitan niya. Hinayaan niyang gamitin siya ng Diyos bilang Kanyang instrumento para sa katuparan ng Kanyang kalooban. 

Inihayag naman ni Apostol San Pablo kay San Timoteo sa Ikalawang Pagbasa ang buod ng kanilang ipinangangaral bilang mga misyonero ni Kristo. Sila'y hinirang na maging mga misyonero upang ipangaral ang Mabuting Balita ng kalooban ng Diyos na nasaksihan ng lahat ng tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Natupad sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang kalooban ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Niloob ng Diyos na iligtas at palayain ang lahat ng tao sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili ng Panginoong Hesus sa krus. 

Mapapakinggan naman ang salaysay ni San Mateo tungkol sa pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Sa sandaling ito, ipinamalas ang kadakilaan ng kalooban ng Diyos. Sa sandaling ito, ipinamalas ng Mahal na Poong Hesus ang Kanyang kaluwalhatian na masasaksihan sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Hindi magdudulot ng kabiguan ang kalooban ng Diyos. Bagkus, ang kalooban ng Diyos ay magdudulot ng kagalakan at kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng pagbabagong-anyo ni Hesus, ipinapaalala sa atin na hindi magtatapos ang lahat sa pagdurusa at kamatayan sa kahoy na krus sa Kalbaryo. Pagsapit ng ikatlong araw, ipapamalas ni Hesus ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Puspos ng kaluwalhatian ang kalooban ng Diyos. Ang kalooban ng Diyos ay hindi nagdudulot ng kasawian at kalungkutan. Bagkus, ito'y magdudulot ng kadakilaan at kagalakan. Ang kalooban ng Diyos ang pinadakilang kalooban. Higit na dakila ang naisin ng Diyos kaysa sa ating mga naisin. Nararapat lamang na ipagkatiwala natin sa Diyos ang lahat para sa katuparan at kaganapan ang Kanyang kalooban. 

Hindi man madali para sa atin ang manalig at tumalima sa kalooban ng Diyos, dapat natin itong gawin. Nararapat lamang na matupad ang kalooban ng Diyos sapagkat ito ang pinakadakila at pinakamagandang kalooban. Higit na dakila at maganda ang kalooban ng Diyos kaysa sa mga sarili nating kalooban. 

Kaya, buong pananalig nating ipagkatiwala sa Diyos ang lahat. Buong pananalig tayong tumalima sa kalooban ng Diyos. Sa pagtupad nito, binibigyan natin ng kaluwalhatian ang Diyos na puspos ng Awa at Habag para sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento