Linggo, Pebrero 12, 2017

PILIIN ANG KABANALAN; SUNDIN ANG ATAS NG POONG MAYKAPAL

12 Pebrero 2017 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 15, 16-21 (gr. 15-20)/Salmo 118/1 Corinto 2, 6-10/Mateo 5, 17-37 (o kaya: 5, 20-22a. 27-28. 33-34a. 37) 



Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos. (Salmo 118) 

Sa panalanging itinuro ni Kristo Hesus, binigyang-diin ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob Mo." (Mateo 6, 10) Sa mga katagang ito, idinadalangin natin sa Poon na maganap nawa ang Kanyang kalooban. Ipinagkakatiwala natin sa Maykapal ang lahat ng bagay. Siya ang bahala sa lahat. Nananalig tayo na anuman ang niloloob ng Maykapal, iyan ang magaganap. Matutupad ang anuman naisin ng Poong Mahal. Nananalig rin tayo na anuman ang Kanyang gustong mangyari, iyon ay para sa kabutihan ng lahat. Tayo ay susunod, tatalima sa anumang nais Niya. 

Subalit, ang Poong Maykapal ay hindi isang diktador. Hindi Siya isang diktador na pipilitin ang Kanyang mga naisin. Hindi pipilitin ng Diyos ang tao na sumunod sa Kanyang kalooban. Bagkus, binibigyan Niya ng kalayaan ang tao. Binibigyan Niya ng kalayaan ang tao para magpasiya. Ang tao ang magpapasiya kung susundin ba nila ang atas ng Diyos o hindi. Ang pasiya ng tao ay Kanyang igagalang. 

Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na ang bawat isa ay may kalayaan upang magpasiya. Nagbigay ng mga utos ng Diyos, hindi upang gawing mga alipin ang tao, kundi upang bigyan ng kalayaan. Kung ang Diyos ay hindi nagbigay ng mga kautusan, magmimistulang mga hayop ang tao. Subalit, nilikha ng Diyos ang tao na higit na makapangyarihan kaysa sa mga hayop. Ang tao'y nilikha ng Diyos na Kanyang kawangis. Kaya, noong nilikha ng Diyos ang tao, sinabi Niya: 
Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit. (Genesis 1, 26-27)
Nilikha ng Diyos ang tao na Kanyang kawangis at kalarawan. Binigyan ng Diyos ng buhay at dangal ang tao. Binigyan Niya ang tao ng kapangyarihang mamahala sa lahat ng mga nilalang. Ang tao'y binigyan Niya ng kalayaan upang magpasiya. Ang tao'y 'di Niya didiktahan. Hindi Niya pipilitin ang tao na gumawa ng mabuti. Nasa tao ang pagpapasiya. Igagalang ng Diyos ang anumang ipasiya ng tao, kahit na ipinasiya ng tao gumawa ng masama. Kaya nga, ipinahayag ni Sirak sa Unang Pagbasa na walang sinuman ang inutusan o pinahintulutan ng Panginoong Diyos na magpakasama o magkasala kailanman (15, 20). 

Ipinahayag naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang panukala ng Diyos ay natupad sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Si Hesus ang katuparan ng panukala ng Diyos. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay sa kahoy na krus, inihayag ang panukala ng Diyos. Sa krus, inialay Niya ang Kanyang sarili, ang Kanyang buhay, para sa katubasan at kaligtasan ng lahat ng tao. Inihayag ang panukala ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus, ang ating Panginoon at Manunubos. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Hesus na Siya'y pumarito upang tuparin ang Kautusan. Hindi Siya pumarito para ipawalang-bisa o ipawalang-saysay ang Kautusan. Bagkus, buong kababaang-loob Siyang bumaba sa lupa upang tuparin ang Kautusan. Sa pamamagitan Niya, ang Kautusan ay nagkaroon ng kaganapan at katuparan. Si Hesus, ang Diyos na gumawa at nagbigay ng Kautusan, ang Siya namang magbibigay ng katuparan at kaganapan sa Kautusan. 

Tinupad ni Hesus nang buong kaganapan ang Kautusan na Kanyang inakda. Kahit Siya ang umakda sa Kautusan, Siya'y nagpailalim sa Kautusan. Si Kristo Hesus ay sumunod at tumupad nang buong kaganapan sa Kautusang inakda Niya. Sabi nga ng Katesismo ng Simbahan, ang tanging makakapagtupad sa Kautusan nang may buong kaganapan ay ang mismong may-akda nito - ang Diyos. Buong kababaang-loob na bumaba sa lupa at naging tao ang Diyos sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Diyos Anak na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buhay sa krus, nagkaroon ng katuparan ang Kautusan. 

Hinihimok tayo ni Hesus na sumunod tayo sa atas ng Diyos. Ang pagsunod sa atas ng Diyos ang unang hakbang tungo sa kabanalan. Ang Kanyang paghimok na ito'y isang paanyaya na tahakin ang landas ng kabanalan. Hinihimok tayo ni Hesus na maging banal, sa kabila ng ating mga karupukan bilang tao. Inaanyayahan tayo ni Hesus na tularan ang Kanyang halimbawa. Sikapin nating isapuso at isadiwa ang atas ng Panginoong Diyos na puspos ng Awa at Habag para sa lahat. 

Pinili ni Hesus na sumunod sa atas ng Diyos. Pinili ng Mahal na Birheng Maria na sumunod sa atas ng Diyos. Tayo mismo ang magpapasiya kung tayo'y susunod at tatalima sa atas ng Maykapal. Tayo ang magpapasiya kung tutularan ba natin ang halimbawang ipinakita ng Panginoong Hesus, ng Mahal na Inang si Maria, ni San Jose, at ng lahat ng mga anghel at banal sa langit. Tayo lamang ang papasiya kung ang atas ng Maykapal ay susundin natin at kung kabanalan ang pipiliin natin. 

Kung nais nating maging banal, kung pipiliin natin ang kabanalan, sumunod tayo sa atas ng Diyos. Tumalima tayo sa kalooban ng Diyos. Isentro natin ang buhay sa Diyos. Bigyan natin ng kaluwalhatian at karangalan ang Diyos. Bagamat mahirap, sikapin nating tularan ang halimbawa ng Panginoong Hesukristo, ng Inang Mahal na si Maria, at ang lahat ng mga anghel at banal sa langit. Magiging mapalad tayo sa paningin ng Diyos at tayo'y Kanyang pagpapalain at gagantimpalaan kapag ang kabanalan ay ating pipiliin at ang Kanyang mga atas ay atin namang susundin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento