5 Pebrero 2017
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 58, 7-10/Salmo 111/1 Corinto 2, 1-5/Mateo 5, 13-16
Sa Ebanghelyo, inilahad ni Hesus ang ating misyon sa daigdig. Ang ating misyon bilang mga tagasunod ni Hesukristo ay ang pagiging mga asin at ilaw ng daigdig. Ang tungkulin o layunin ng asin ay magbigay ng alat sa ating mga pagkain upang mas lalo nating malalasahan ang mga ito. Ang tungkulin o layunin naman ng ilaw ay magbigay ng tanglaw upang magkaroon ng gabay ang mga nasa madidilim na lugar. Kung paanong may tungkulin at layunin ang asin at ilaw, gayon din naman, bilang mga tagasunod ni Kristo, mayroon din tayong tungkulin at layunin sa ating buhay dito sa daigdig. At ang tungkulin natin sa buhay ay ang pagiging mga saksi at mga tagabahagi ng Awa ng Diyos sa lahat, sa pamamagitan ng salita at gawa.
Iyan ang misyon ng Simbahan sa mga nagdaang taon, magmula noong itinatag ng Panginoong Hesukristo ang Simbahan. Magpahanggang ngayon, ang Simbahan ay nagpapatuloy sa pagdaraos ng misyong ito. Ang pagiging asin at ilaw ng mundo ay ang pangunahing misyon ng Simbahan, na nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Ang misyong ito, na sinimulan ng Panginoong Hesus, ang ipinagpapatuloy naman ng Simbahan na Kanyang itinatag at sinimulan.
Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang kanyang misyon bilang saksi ng Panginoong Hesus. Muling binalikan at inaalala ni Apostol San Pablo ang mga araw ng kanyang pananatili sa bayan ng Corinto. Noong si Apostol San Pablo ay nanatili sa bayan ng Corinto, nangaral siya mga mamamayan roon tungkol kay Kristo Hesus. Ipinakilala niya ang Panginoong Hesukristo sa mga mamamayan ng Corinto. Ipinalaganap ni Apostol San Pablo sa buong kabayanan ng Corinto, gayon din sa iba't ibang mga kabayanan, ang Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan nito, nakilala ng lahat ang liwanag. Nakilala ng lahat na si Hesus ang kaliwanagan ng lahat. Ibinahagi sa kanila ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Inihayag ng Diyos sa Unang Pagbasa na ang mga gumagawa ng mabuti sa kapwa-tao ay Kanyang pagpapalain. Kapag ang bawat isa'y naging masunurin sa Diyos at gumawa ng mabuti sa kapwa, makakatanggap sila ng mga pagpapala't biyaya. Ang mga panalangin at kahilingan nila ay diringgin ng Diyos. Makikinig ang Mahal na Poon sa kanilang mga panalangin. Ito ay sapagkat ibinahagi nila sa iba ang biyaya ng Awa ng Diyos. Hindi lamang sinarili ang biyaya ng Awa ng Diyos na tinanggap. Hindi sila nang-aalipin, nang-aalipusta ng kapwa-tao. Bagkus, ibinabahagi nila sa kapwa sa pamamagitan ng mga salita at kilos ang Awa ng Diyos. Nagpakita sila ng awa sa kanilang kapwa, tulad ng Diyos na unang nagpakita ng Kanyang Awa.
Ang asin at ilaw ay may mga tungkulin. Ang tungkulin ng asin ay magbigay ng alat at lasa sa ating mga pagkain. Ang tungkulin ng ilaw ay patnubayan at gabayan ang mga nasa madidilim na lugar. Kung paanong ang mga bagay na ito ay may kanya-kanyang tungkulin, gayon din naman, tayong lahat ay may mahalagang tungkulin bilang mga tagasunod ni Kristo - ang pagiging asin at ilaw ng sanlibutan.
Ano ang kailangan nating gawin bilang asin at ilaw ng sanlibutan? Ipakilala natin si Kristo Hesus sa bawat isa. Ipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon. Ang biyaya't Awa ng Panginoon ay ating ibahagi sa kapwa. Sumaksi at magpatotoo sa Panginoong Hesus sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Kapag iyon ang ating ginawa, ibinabahagi natin sa lahat ang liwanag at pagpapala ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento