Linggo, Enero 29, 2017

KINALULUGDAN NG DIYOS ANG MGA MAPAGPAKUMBABA

29 Enero 2017 
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sofonias 2, 3; 3, 12-13/Salmo 145/1 Corinto 1, 26-31/Mateo 5, 1-12a 


Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagpapakumbaba. Isang napakahalagang birtud ang pagpapakumbaba. Kinalulugdan ng Diyos ang mga mapagpakumbaba. Malapit sa Puso ng Diyos ang mga may kababaan ng loob. Ang Puso ng Panginoon ay para sa mga may kababaan ng loob. Ang pagmamataas ay hindi ikinatutuwa ng Diyos. Kinamumuhian, isinusuka ng Diyos ang kayabangan. 

Mapapansin natin sa Banal na Bibliya na madalas magsalita ang Diyos tungkol sa pagkakaroon ng kababaan ng loob. Ipinapahiwatig ng Panginoong Diyos na Siya'y malapit sa mga may kababaan ng loob. Sa Lumang Tipan, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta. Sa Bagong Tipan, mismong ang Panginoong Diyos ang nagpakumbaba. Bumaba Siya mula sa langit, nagkatawang-tao, at iniluwal ng isang dalaga, isang birhen, na nagngalang Maria. Siya ay si Hesus, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang ilang mga katangian ng mga mapagpakumbaba. Ang mga mapagpakumbaba ay lumalapit sa Diyos. Ang mga mapagpakumbaba ay humihingi ng saklolo mula sa Diyos. Hindi nila kinakaligtaang humingi ng saklolo mula sa Diyos. Hindi sila nakakalimot sa Diyos. Batid nila ang kanilang mga lakas at mga kahinaan. Nananalig sila na sila'y tutulungan ng Diyos. Sila'y nananalig na hindi sila bibiguin, tatalikuran, o kakalimutan ng Diyos. Bagkus, nananalig sila na lagi nandiyan ang Diyos para saklolohan at gabayan sila. 

Binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto na ang Diyos ay malapit sa mga aba. Malapit sa Puso ng Diyos ang mga aba't mahihina. Itinatampok Niya ang mga aba. Hindi itinatampok ng Diyos ang mga malalakas, dalubhasa, o maharlika sa mga mata ng daigdig. Ang pamantayan ng Panginoong Diyos at ang pamantayan ng sanlibutan ay magkaiba. Nalulugod ang Diyos sa mga mahihina't aba, at itinatampok Niya ang mga ito. 

Sa Ebanghelyo, sinimulan ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pangangaral sa bundok. Sa simula ng Kanyang pangangaral sa bundok, inilarawan ng Panginoong Hesus kung sino ang mga mapapalad. Ang unang grupong itinampok ni Hesus ay ang mga aba. Nais ipahiwatig ni Hesus ang pagiging malapit ng mga aba sa Puso ng Diyos. Umaasa ang mga aba sa Diyos. Malalim ang kanilang pananalig at pag-asa sa Diyos. Wala silang inaasahan kundi ang Diyos. Nananalig sila na ang Diyos ang sasaklolo sa kanila sa oras ng pangangailangan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga aba't mapagpakumbaba ay malapit sa Puso ng Panginoong Diyos. 

Kinalulugdan at pinagpapala ng Diyos ang mga aba't mapagpakumbaba. Ang Puso ng Diyos ay malapit sa mga aba't may kababaan ng loob. Nananalig at umaaasa sa Diyos ang mga aba't mapagpakumbaba. Hindi malaki ang mga ulo nila. Hindi sila mapagmataas. Hindi sila mayabang. Bagkus, nananalig at umaaasa sila sa Awa ng Diyos. Nananalig sila na ang Diyos ang tutulong at sasanggalang sa kanila. At ito'y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Nalulugod ang Diyos sa mga may kababaan ng loob at mga aba dahil sa kanilang malalim na pananalig at pag-asa sa Kanyang Awa. Inihayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang pagiging malapit sa mga aba't may kababaan ng loob noong Siya mismo ay nagpakumbaba at nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento