9 Enero 2017
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (A)
Isaias 42, 1-4. 6-7/Salmo 28/Mga Gawa 10, 34-38/Mateo 3, 13-17
Ang tanong ni San Juan Bautista kay Hesus sa Ebanghelyo ay tanong din ng lahat. Bakit nagpabinyag si Hesus? Hindi ba wala Siyang kasalanan? Sa katunayan nga, si Hesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santalo, ang iisang Diyos na ating sinasamba. Ang Diyos ang perpekto, walang bahid ng kasalanan. Kung si Hesus ay walang bahid ng kasalanan dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, bakit hinayaan Niya ang Kanyang sarili na mabinyag ng Kanyang kamag-anak at Tagapagpauna na si Juan Bautista?
Si Juan Bautista ay nanliit at nangatog. Hindi siya karapat-dapat magbinyag kay Hesus. Inamin ni San Juan Bautista na higit na dakila ang Panginoong Hesukristo kaysa sa kanya. Kumpara kay Hesus, si Juan Bautista ay isa lamang alipin. Siya'y Tagapaghanda lamang ng daraanan ng Panginoon. Inamin rin ni Juan Bautista na siya'y hindi karapat-dapat magkalag ng tali ng panyapak ni Kristo. Dapat si Kristo mismo ang nagbibinyag sa kanya. Kung yung ngang pagkalag ng tali ng panyapak o sandalyas ni Hesus hindi magawa ni Juan Bautista dahil 'di siya karapat-dapat, iyon pa kayang paggawad ng rito ng pagbinyag sa Kanya sa Ilog-Jordan?
Ang Panginoong Hesus mismo ang sumagot sa katanungang ito. Sinabi ni Hesus kay Juan Bautista, "Ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos" (3, 15). Ano naman ang kalooban ng Diyos? Niloob ng Diyos na maging kaisa natin. Niloob ng Diyos na maging tao tulad natin sa pamamagitan ni Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, niyakap ng Diyos ang ating pagkatao. Nagkaroon tayo ng karamay sa ating paghihirap sa buhay - ang Diyos. Siya ang ating Emmanuel, ang lagi nating kasama at karamay habampanahon.
Ito ang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Darating ang Mesiyas bilang isang lingkod. Hindi Siya lilitaw taglay ang Kanyang buong kaluwalhatian at kaningningan. Bagkus, darating Siya bilang isang lingkod. Ang Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus ay dumating at lumitaw sa anyo ng isang alipin. Nagpakumbaba si Hesus, at naging alipin. Buong kababaang-loob ginawa ito ni Hesus upang ipakita na Siya'y lagi nating kasama at kaagapay.
Nagsalita rin si Apostol San Pedro tungkol sa pagpapakumbabang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Ipinahayag ni San Pedro Apostol na sa pamamagitan ni Hesus, ipinahayag ng Diyos ang Mabuting Balita tungkol sa pakikipagkasundo. Si Hesus ang Salitang nagkatawang-tao. Bilang Salita ng Diyos na naging tao, ipinahayag ni Hesus sa lahat ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga winika at mga gawa.
Si Apostol San Pablo rin ay nagsalita tungkol sa pagpapakumbaba ng Panginoon sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos. Hinubad ni Hesus nang buong kababaang-loob ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at naging alipin. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao at pamumuhay bilang alipin, ipinahayag ni Hesus sa lahat ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, niyakap at tinanggap ng Diyos ang ating pagkatao upang ipakita na Siya'y lagi nating kaisa at karamay sa ating paglalakbay sa buhay.
Si Hesus ang ating Emmanuel. Siya ang Diyos na lagi nating kasama at karamay sa bawat sandali ng ating buhay. Ipinahayag Niya ito noong Siya'y nagkatawang-tao at naging alipin katulad nating lahat, maliban sa kasalanan. Sa pamamagitan Niya, niyakap at tinanggap ng Diyos ang ating pagkatao upang ipahayag sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento