Sabado, Enero 21, 2017

ANG LIWANAG NI KRISTO

22 Enero 2017 
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 8, 23b-9, 3/Salmo 26/1 Corinto 1, 10-13. 17/Mateo 4, 12-23 (o kaya: 4, 12-17) 


Panginoo'y aking tanglaw, Siya'y aking kagalakan. (Salmo 26) 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa liwanag na nagmumula sa Salita ng Diyos na nagkatawang-tao, ang Panginoong Hesukristo. Si Propeta Isaias ay nagsalita sa Unang Pagbasa tungkol sa liwanag na tumatanglaw sa buong paligid. Ang liwanag na ito'y nagmumula sa Tagapagligtas at Mananakop na si Kristo. Nagsalita naman si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kanyang tungkulin. Tulad ng ibang mga apostol, hinirang ng Panginoon si San Pablo Apostol upang ipalaganap ang Mabuting Balita tungkol sa kaligtasan ng Dios na naganap sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesukristo. Sa Ebanghelyo, tinawag at hinirang ni Hesus ang Kanyang mga unang apostol - mga mamamalakaya. Hinirang ni Hesus ang apat na ito upang maging Kanyang mga apostol na sumasaksi sa Kanya. 

Nagsalita si propeta Isaias tungkol sa kaliwanagang nagmumula sa Panginoon sa Unang Pagbasa. Ang liwanag na nagmumula sa Panginoong Diyos ay napakalaki. Pinapawi ng liwanag ng Panginoon ang kadiliman. Ang Diyos ang pinagmumulan ng liwanag. Siya ang tunay na kaliwanagan. Sa Diyos nagmumula ang liwanag na nagniningning at tumitingkad sa lahat ng dako. Ang kapangyarihan ng kadiliman ay hinding-hindi mananaig laban sa kapangyarihan ng Diyos na Siyang liwanag ng lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Nagpaliwanag si Apostol San Pablo tungkol sa kanyang misyon bilang apostol sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Si Apostol San Pablo ay nagpaliwanag kung bakit siya hinirang ng Panginoon upang maging apostol at misyonero sa mga Hentil. Si Apostol San Pablo ay hinirang hindi upang magpasikat kundi upang maging saksi ng Mabuting Balita ng Panginoong Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Salita, tumanglaw ang maningning na liwanag na pumawi sa kadiliman. 

Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng simula ng ministeryo ni Hesus. Sa simula ng Kanyang ministeryo, nangaral si Hesus tungkol sa pagsisisi't pagtalikod sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Binigyang-diin ni Hesus ang Awa ng Diyos sa simula ng Kanyang pangangaral. Ang Awa ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag sa lahat. Ang Awa ng Diyos ang liwanag na pumapatnubay at gumagabay sa lahat ng tumatahak sa landas ng pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Panginoon. 

Hinirang rin ni Hesus ang Kanyang mga unang apostoles. Ang mga unang apostol ay mga mamamalakaya. Pangingisda lamang ang kanilang hanap-buhay. Subalit, iniwanan nila ang kanilang lambat at mga bangka nang sila'y tawagin at hinirang ni Hesus upang maging Kanyang mga apostol. Magiging "mamamalakaya ng mga tao" ang apat na mangingisdang ito (4, 19). Pagdating ng takdang panahon, sila'y mangangaral at magpapatotoo tungkol sa Salitang nagkatawang-tao. Ipapalaganap nila sa iba't ibang dako ng daigdig ang Mabuting Balita ng kaligtasan na natupad sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahan. Bilang mga saksi ng Salitang nagkatawang-tao, ipinapangaral at ipinapalaganap ng Simbahan sa lahat ang Mabuting Balita ng kaligtasan at kaliwanagan. Nagkatawang-tao ang Salita ng Diyos na si Hesus upang ihatid sa lahat ang kaligtasan at liwanag na nagmumula sa Kaitaasan. Si Hesus ang maningning at makislap na liwanag na gumagabay sa atin sa landas ng espirituwal na paglalakbay patungo sa Kanya. Kasama natin sa pagtahak sa landas na iyon ang Mahal na Inang si Maria, si San Jose na kanyang kabiyak ng puso, at lahat ng mga anghel at banal na patuloy na nananalangin para sa atin sa Mahal na Poong Hesus na Siyang ating gabay sa landas ng buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento