Sabado, Enero 7, 2017

KATOTOHANAN

8 Enero 2017 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon 
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 



Ang mga pantas ay hindi mga Hudyo; sila'y mga Hentil. Hindi kabilang sa bayang hinirang ang mga pantas na ito. Mga dayuhan lamang ang mga pantas. Naglakbay ang mga pantas na ito mula sa Silangan upang hanapin ang bagong silang na hari ng mga Hudyo. Nalaman nila na isinilang ang Hari ng mga Hudyo sapagkat sila'y mga dalubhasa sa astrolohiya. Marami silang kaalaman tungkol sa mga bituin. At nang makita nila ang isang napakahalagang tala, alam ng mga pantas na isinilang ang Hari ng mga Hudyo. Kaya naman, sila'y naglakbay nang malayo upang sila'y makasamba sa bagong panganak na Hari ng mga Hudyo.

Napakalayo ang kanilang nilakbay. Siguro, sa kanilang paglalakbay, tinatanong ng mga Pantas ang kanilang mga sarili, "Ano ang saysay ng malayong paglalakbay na ito?" Nais malaman ng mga pantas kung ano ang saysay ng malayong paglalakbay na kanilang sinimulan at tinatahak. Magiging matagumpay ba ang paglalakbay na ito? Napakalayo ang nilakbayan nila mula sa Silangan patungong Betlehem. Hindi nila siguro maiwasan tanungin ang kanilang sarili kung may saysay ang kanilang paglalakbay nang malayo mula sa Silangan. 

Kahit mga dalubhasa ang mga pantas, nagtanong sila kung saan matatagpuan ang isinilang na Hari ng mga Hudyo. Ang kanilang katanungan ay nakarating agad kay Haring Herodes, ang kasalukuyang Hari ng Judea. Noong dumalaw ang mga mago kay Haring Herodes, akala nila doon ipinanganak ang Hari ng mga Hudyo. Siguro, ang akala ng mga pantas ay isinilang sa isang maharlikang palasyo ang Sanggol na nakatadhanang maging Hari ng mga Hudyo. Subalit, hindi sa engrandeng palasyo ni Haring Herodes natagpuan ang bagong silang na Hari ng mga Hudyo. Bagkus, sinabi ng mga eskriba na ayon sa propeta, sa Betlehem isinilang ang Hari ng mga Hudyo. Nang marinig iyon, inutusan sila ni Herodes na hanapin ang Sanggol. 

Siguro, pagod na sila sa kakalakbay nang malayo. Parang gusto na nilang bumigay. Gusto na nila siguro tumigil sa kanilang paglalakbay at umuwi na lang. Masyadong malayo na para sa kanila ang paglalakbay na ito. Nabigo sila. Subalit, nang muling tumanglaw ang tala, nagkaroon muli ng pag-asa ang mga pantas. Labis ang galak ng mga pantas nang makita ang talang iyon. Ang talang iyon ang aakay sa kanila patungo sa lugar kung saan ipinanganak ang ipinanganak na Hari ng mga Hudyo. 

Ang talang tumatanglaw ay nagmula sa Panginoon, tulad ng ipinahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ipinahayag ng Panginoon sa mga pantas kung saan Siya matatagpuan sa pamamagitan ng tala. Nang sumapit sa tapat ng kinaroroonan ng Sanggol ang tala, nakita nila ang Kristong Sanggol na idinuduyan ng Inang Mahal na si Mariang Birhen. Nang masilayan ng mga pantas ang Banal na Sanggol na si Hesus na idinuduyan ni Mariang Ina, sila'y sumamba at inihandog nila ang mga dala nilang ginto, mira, at kamanyang para sa Banal na Sanggol. 

May katotohanang natuklas ang mga pantas sa kanilang paglalakbay. Ang tunay na hari ay ang Diyos na Sanggol na kanilang sinamba. Ang Diyos, sa pamamagitan ni Hesus, ay nagkatawang-tao. Siya'y naging isang Sanggol tulad natin. Niyakap Niya ang ating pagkatao upang tayong lahat ay lumapit sa Kanya. Inakay Niya ang mga pantas sa kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng tala. Ang talang tumanglaw ay ipinagkaloob Niya sa mga pantas upang sundan. At nang sinundan nila ang talang gabay, nakita nila ang kanilang nais makita - ang Hari ng mga Hudyo, ang Diyos na Sanggol, ang Mesiyas at Tagapagligtas, ang dakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos, ang tunay na Hari. Ang Kanyang Kabanal-banalang Pangalan ay Hesus. 

Isang napakahalagang katotohanan ang nais ipahiwatig ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus. Ang napakahalagang katotohanang ito ay Kanyang inihayag sa ating lahat. Ipinahayag sa pamamagitan ng Panginoong Hesus ang kadakilaan ng pagmamahal ng Diyos para sa ating lahat. Sa pamamagitan ni Hesus, bumaba ang Diyos mula sa langit at niyakap ang ating pagkatao upang ipahayag sa lahat ang Kanyang dakilang pagmamahal para sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento