Linggo, Enero 15, 2017

NAGING SANGGOL UPANG TAYO'Y MAGING MGA ANAK NG DIYOS

15 Enero 2017 
Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol (A) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10 


Santo Niño de Tondo

Isinasalarawan ng Santo Niño ang kababaang-loob ng Diyos. Dahil sa kababaang-loob ng Diyos, Siya'y nagkatawang-tao at naging isang sanggol, isang bata. Niloob ng Diyos na Siya'y maging katulad natin, maliban sa kasalanan. Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pakikiisa at pakikiramay sa lahat. Niloob ng Diyos na Siya'y maging munti, maliit, isang sanggol, isang bata, upang ang bawat isa ay makalapit sa Kanya. Buong kababaang-loob nagkatawang-tao ang Diyos sa pamamagitan ng Panglawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus.  

Ang Unang Pagbasa ay isang propesiya patungkol sa Mesiyas. Ipinahayag na isang sanggol ang isinilang para sa atin. Taglay ng sanggol na ito ang isang napakalaking liwanag. Namanaag at pinawi ang kadilimang bumabalot sa lahat. Nagliliwanag at nagniningning ang liwanag na taglay ng sanggol na ito. Ang Sanggol na itinutukoy ni propeta Isaias sa propesiyang ito ay ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus, ang Mesiyas at Tagapagligtas na ipinangakong darating. 

Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso na tayong lahat ay itinalaga ng Diyos upang maging Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang bawat isa'y naging mga anak ng Diyos. Tayong lahat ay napabilang sa pamilya ng Diyos. Tayong lahat ay itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Ito ang tunay na dahilan kung bakit nagkatawang-tao ang Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Nais tayong ibilang ng Diyos sa Kanyang pamilya dahil sa pag-ibig Niyang dakila, tunay, at walang hanggan para sa ating lahat. 

Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita tungkol sa pagiging malapit ng Diyos sa mga may kaloobang tulad ng isang bata. Malapit ang puso ng Diyos sa mga mababang-loob. Kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaan ng loob. Mismong ang Diyos ay may kababaan ng loob. Ipinamalas ng Diyos sa lahat ang Kanyang kababaang-loob sa lahat noong Siya'y nagkatawang-tao at naging isang sanggol, isang bata, sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Hesus, inihayag ng Diyos ang Kanyang kagiliwan para sa mga may kababaan ng loob. 

Alalahanin natin ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesus ay pumanaog at naparito sa daigdig. Ang Mahal na Poong Hesus ay pumarito sa daigdig at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang ibilang tayo sa pamilya ng Diyos. Buong kababaang-loob na ginawa iyon ng Panginoong Hesus upang ipadama ang Kanyang pag-ibig at pagdamay sa lahat. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat, tayong lahat ay itinuring at inaruga ng Diyos bilang mga anak Niya sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento