Sabado, Disyembre 31, 2016

KAPAYAPAANG KALOOB NG PANGINOON

1 Enero 2017 
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalong Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang  
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21 



Ang unang araw ng Bagong Taon ay inilaan ng Simbahan para magbigay-pugay sa Ina ng Diyos, ang Mahal na Birheng Maria. Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na naging tao ay iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Ina. Si Maria ang nagsilang sa Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Dinala ng Mahal na Inang si Maria sa loob ng siyam na buwan ang Prinsipe ng Kapayapaan na si Hesus. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria upang ihatid sa lahat ang kaloob Niyang kapayapaan sa pamamagitan ni Hesus. 

Sa Ebanghelyo, ang mga pastol ay sumamba sa Sanggol na Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Tinanggap nila ang kapayapaan at awa mula sa Sanggol na Hesus na nakahiga sa sabsaban. Kapayapaan at awa ang kaloob ng Diyos na Sanggol sa mga pastol na dumalaw sa Kanya noong unang Pasko. Iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria ang Diyos na naghahatid ng kapayapaan sa lahat. Kapayapaan ang hatid ng Banal na Sanggol na si Hesus sa sangkatauhan. Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan. Siya ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan. 

Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia sa Ikalawang Pagbasa. Isinugo ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus upang tayo rin ay maging mga anak ng Diyos tulad Niya. Sa gayon, tayo'y makakapaghimlay sa piling ng Diyos. Sa piling ng Diyos, masusumpungan natin ang tunay na kapayapaan. Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan. Ang Panginoong Diyos ang nagkakaloob ng tunay na kapayapaan sa lahat ng Kanyang mga anak. Ang tunay na kapayapaan ay matatagpuan at nagmumula lamang sa Kanya. 

Sa mga salitang iniutos ng Diyos gamitin nina Aaron at ang kanyang mga anak sa rito ng pagbabasbas sa mga tao na mapapakinggan ng Diyos, binigyang-diin ang kapayapaang kaloob ng Diyos. Ang Panginoon ang nagkakaloob ng kapayapaan sa lahat. Ang kapayapaang kaloob ng Panginoong Diyos ay tunay at walang kapantay. Sa pamamagitan ng pagbabasbas nina Aaron at ng kanyang mga anak sa lahat na kabilang sa pamayanan, igagawad ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala. Isa sa napakaraming mga pagpapalang kaloob ng Diyos ay ang kapayapaan. 

Hindi na mabilang ang mga pagpapalang kaloob ng Diyos. Napakarami ang mga pagpapala at biyayang kaloob ng Panginoon. Kasama na ang kapayapaan. Laging ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang biyaya ng Kanyang kapayapaan. Ang biyaya ng kapayapaan na laging ipinagkakaloob ng Panginoong Diyos ay tunay at walang kapantay. Patuloy Niyang ibinabahagi sa atin ang biyaya ng kapayapaang mula sa Kanya magpahanggang ngayon. Ang kapayapaang ito ang naghatid ng kaligtasan sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos na Sanggol na iniluwal ni Maria. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento