Miyerkules, Disyembre 28, 2016

PAHALAGAHAN ANG BUHAY; HUWAG KANG PAPATAY

28 Disyembre 2016 
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, Mga Martir (Niños Inocentes)
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18 



Matatagpuan sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo ang kwento ng mga sanggol na walang kamalayan. Isinalaysay ni San Mateo ang karumal-dumal na pagpaslang sa mga inosenteng sanggol na ito. Ipinapaslang ni Haring Herodes ang mga inosenteng sanggol na ito na walang kalaban-laban. Ang pagkabuway ni Haring Herodes ang dahilan kung bakit ipinagpatay niya ang mga sanggol na ito na walang kamalay-malay at walang kalaban-laban. Tunay ngang karumal-dumal ang pangyayaring ito. Ang mga sanggol na walang malay ay naging mga biktima ng mga di-makatarungang patayan sa ilalim ng pamumuno ni Haring Herodes. 

Uhaw na uhaw si Haring Herodes para sa kanyang posisyon. Uhaw na uhaw para sa kapangyarihan. Ayaw niyang bitawan ang kanyang kayamanan. Ayaw bitawan ang kanyang kapangyarihan. Gusto niyang mapasakanya ang lahat. Gusto niyang siya lang ang hari. Gusto niyang siya lang ang pinuno. Gusto niyang siya lang ang makapangyarihan. Dahil sa pagkauhaw at pagnanasa ni Herodes para sa kanyang posisyon at ambisyon, hindi niya pinahalagahan ang buhay ng bawat tao, lalung-lalo na ang mga sanggol. Hindi pinahalagahan ang pinakamahalagang biyayang ipinagkaloob sa lahat ng tao. At ang pinakamahalagang biyayang ito ay nagmula sa Makapangyarihang Panginoong Diyos na Siyang lumikha ng lahat. 

Ang buhay ng tao ay galing sa Diyos. Dahil diyan, ang buhay ay sagrado at hindi dapat ipagkait mula sa sinuman. Ang buhay ay dapat pahalagahan sapagkat ito'y isang biyaya mula sa Diyos. Mga katiwala lamang tayo ng Panginoong Diyos. Ang pagpatay ay labag sa Sampung Utos ng Diyos sapagkat ang karapatan ng isang tao upang mabuhay ay ipinagkakait mula sa kanya. Hindi pagmamay-ari ng tao ang buhay. Ang buhay ay nagmula sa Diyos. Ang Diyos ang pinagmulan ng buhay, at Siya lamang ang maaaring bumawi nito. 

Ngayong Kapistahan ng Niños Inocentes, alalahanin natin na ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos. Pahalagahan natin ang buhay ng kapwa-tao. Igalang natin ang buhay ng isang tao mula sa sinapupunan hanggang sa kusang pagpanaw nito. Walang maaaring bumawi ng buhay mula sa kapwa-tao. Ang Panginoon lamang ang maaaring bumawi ng ating buhay, sapagkat Siya ang pinagmulan ng buhay. 

Huwag kang papatay. (Exodo 20, 13; Deuteronomio 5, 17) 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento