Linggo, Disyembre 11, 2016

DIYOS ANG NAGPAPALAKAS NG LOOB

11 Disyembre 2016 
Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
(Linggo ng Gaudete/Linggo ng Kagalakan)
Isaias 35, 1-6a. 10/Salmo 145/Santiago 5, 7-10/Mateo 11, 2-11


Gaudete. Kagalakan. Ito ang tema ng Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon. Habang nagpapatuloy tayo sa ating paghahanda at paghihintay para sa pagdating ng Panginoon ngayong panahon ng Adbiyento, tayo ay tinatawag na magalak. Hinihikayat ang lahat na maghanda at maghintay na puno ng kagalakan at pananalig sa Panginoon. Buong galak tayong maghanda, maghintay, at manalig sa Panginoon. Magalak sa Panginoong ating Diyos. 

Nais pagtuunan ng pansin ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang pagkakaroon ng katatagan ng loob. Ang Diyos ang nagpapatatag ng ating mga kalooban. Alam ng Diyos na bilang tao, tayong lahat ay nakakaranas ng mga pagsubok. Alam din ng Diyos na bilang tao, mayroon tayong mga kahinaan. Nadadapa tayo dahil sa ating mga kahinaan. Kaya, ibinibigay ng Diyos ang Kanyang sarili sa atin upang tayo'y magkaroon ng lakas at tibay ng loob. Siya ang nagpapatatag ng ating mga loob. Sa Panginoon tayo lumapit upang mapanatag ang ating loob. 

Isang napakagandang balita ang ipinahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Darating ang Panginoon upang sagipin ang Kanyang bayan. Darating Siya upang ang lahat na kabilang sa Kanyang bayan ay maligtas. Nagpasiya ang Panginoon na maging Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Ito ang ipinasiya ng Panginoon dahil sa Kanyang wagas na Awa at Pagmamahal para sa lahat. Awa at Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang tao. Tiyak na magkakaroon ng lakas at tibay ng loob ang sinumang makakarinig o makakatanggap sa balitang ito. 

May himok si Apostol Santiago para sa lahat sa Ikalawang Pagbasa. Ang lahat ay hinihimok maging matiyaga at matatag. Habang naghihintay at naghahanda tayo nang buong sigla at kagalakan para sa pagdating ng Panginoon, kailangan nating maging matiyaga at matatag. Huwag tayong panghinaan ng loob. Lakasan natin ang ating mga loob. Patatagin ang mga loob natin. Paano nating mapapalakas ang ating mga loob? Lumapit sa Diyos. Lumapit tayo sa Kanya upang tayo'y Kanyang tulungang magkaroon ng katatagan ng loob. 

Sa Ebanghelyo, ipinadala ang mga alagad ni San Juan Bautista upang magtanong kay Hesus. Nakabilanggo noon si San Juan Bautista. Siya'y ibinilanggo ni Haring Herodes. Ipinadala ni Juan Bautista ang kanyang mga alagad upang ipaabot ang kanyang tanong kay Hesus. Ang tanong ni San Juan Bautista kay Kristo ay tanong ng isang taong nagdurusa. "Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?" (11, 3) 

Kahit hindi nakasaad sa Bibliya, sa Ebanghelyo, maaari nating sabihing labis ang pagdurusa ni San Juan Bautista sa bilangguan. Labis ang kanyang paghihirap sa bilangguan. Hindi lang pisikal ang kanyang paghihirap sa bilangguan. Naghihirap rin siya sa kaloob-looban niya. Dahil sa kanyang pagdurusa sa bilangguan, pisikal at sa kaloob-looban niya, ang tanong ni Juan Bautista kay Kristo, "Kayo po ba ang ipinagakong paririto o maghihintay pa kami ng iba?" (11, 3) 

Bilang tugon sa tanong ni San Juan Bautista, isinalarawan ni Hesus ang lahat ng Kanyang mga ginawa. Ang lahat ng mga ginawa ni Hesus ay ipinahayag ng mga propeta ng Lumang Tipan. Hinulaan ng mga propeta ng Lumang Tipan ang mga gagawin ng Mesiyas sa Kanyang pagdating. Tinupad ni Hesus ang lahat ng mga hula ng mga propeta ng Lumang Tipan sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Sa pamamagitan ng tugon ni Hesus, pinalakas ang loob ni San Juan Bautista. Si Hesus ang nagpalakas at nagpatibay ng loob ni San Juan Bautista. 

Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Diyos upang magpalakas ng loob. Huwag nating hayaang manghina ang ating mga loob. Lumapit tayo sa Diyos nang buong katiyagaan. Maging matiyaga sa paglapit sa Diyos. Tutulungan tayong magkaroon ng lakas at tibay ng loob. Ang Diyos ang magpapalakas at magpapatibay ng ating mga kalooban. Kapag hinayaan nating palakasin ng Diyos ang ating mga loob, ang mga pagsubok sa buhay ay malalampasan at mapagtatagumpayan natin. Walang pagsubok sa buhay ang magtatagumpay laban sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento