Huwebes, Disyembre 22, 2016

KATUPARAN NG MGA PAHAYAG

23 Disyembre 2016 
Ikawalong Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 


Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Malakias sa Unang Pagbasa ukol sa Kanyang nalalapit na pagdating. Ipinahayag ng Panginoong Diyos na nalalapit na ang araw ng Kanyang pagdating. Ang Panginoon ay darating upang iligtas ang Kanyang bayan. Nalalapit na ang pagsapit ng araw kung kailan ang Panginoon ay darating upang sagipin at iligtas ang Kanyang bayan. 

Subalit, ayon sa sinabi ng Panginoon na ipinahayag ni propeta Malakias, susuguin si Elias. Si Elias ay susuguin ng Panginoon bilang Kanyang tagapagpauna. Si Elias ang unang lilitaw. Mauuna siya sa daan ng Panginoon. Ang Panginoon ay darating na kasunod niya. Bilang tagapagpauna ng Panginoon, ihahanda niya ang Kanyang daraanan. Ihahanda niya ang lahat para sa pagdating ng Panginoon. 

Ang propesiyang ito'y natupad sa pamamagitan nina Hesus at San Juan Bautista. Si Hesus ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Siya ang ipinaglihi lalang ng Espiritu Santo at iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. Siya ang Diyos na naging tao. Siya'y Emmanuel, ang Diyos na lagi nating kasama. Siya ang Diyos na bumaba mula sa langit upang maging Tagapagligtas ng lahat. Siya ang ipinangakong Mesiyas. Ang Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista ang Kanyang tagapagpauna. Siya'y naunang dumating upang ihanda ang daraanan ng Panginoon. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagsilang ni San Juan Bautista. Nagsidatingan ang mga kamag-anak, kapitbahay, at kaibigan nina Zacarias at Elisabet upang makiisa sa kagalakan ng mag-asawa. Nagdiwang nang buong galak ang lahat sa pagsilang ng sanggol na si San Juan Bautista. Nais ng mga kapitbahay, kaibigan, at kamag-anak nina Zacarias at Elisabet na ipangalang Zacarias ang sanggol, katulad ng ama nito. Subalit, ang ina't ama ang nagsabing Juan ang ipapangalan sa sanggol, tulad ng sinabi ng Arkanghel Gabriel noong siya'y nagpakita kay Zacarias sa templo. 

Matapos isulat ni Zacarias na Juan ang pangalan ng kanyang anak, nakapagsalita na siya muli. Natupad ang pangalawang bahagi ng mga sinabi ng Arkanghel San Gabriel. Magwawakas ang pagiging bingi at pipi ni Zacarias sa araw ng pagsilang ni San Juan Bautista. Ang pagsilang ni San Juan Bautista ang hudyat ng wakas ng sumpa na iginawad kay Zacarias dahil sa kanyang pagdududa. Tinupad ang mga sinabi ng Arkanghel Gabriel patungkol sa pagsilang ni San Juan Bautista. 

Ang pagsilang nina Hesus at San Juan Bautista ay ipinahayag sa lahat. Hinulaan ng mga propeta ang pagsilang ng Mesiyas, ang Manunubos ng tanan. Ipinahayag rin na may mauuna sa Kanya upang ihanda ang Kanyang daan. Ang lahat ng ito'y natupad sa pamamagitan ng mga pagsilang ni San Juan Bautista at ni Hesus. Ang lahat ng mga pahayag at mga hula ay natupad sa pamamagitan ng pagsilang nina San Juan Bautista at Hesus na ating Panginoon at Tagapagligtas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento